MUNTINLUPA CITY- PATAY ang suspendidong legal officer ng Bureau of Correction (BuCor) matapos pagbabarilin ng riding in tandem suspects sa harap ng isang tindahan malapit sa isang eskuwelahan Miyerkoles ng hapon sa lungsod na ito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Atty. Frederic Anthony Santos, dating hepe ng legal service ng BuCor at nakatira sa NBP Residence, Poblacion, Muntinlupa City. Si Santos ay nagtamo ng isang bala sa ulo na agad niyang ikinamatay.
Base sa imbestigasyon ang insidente ay naganap dakong 1:50 ng hapon sa harap ng isang Varierty Store sa harap ng Southernside Montesorri School, Katihan St., Barangay Poblacion, Muntinlupa City.
Ayon sa pulisya susunduin sana ng biktima ang kanyang anak na babae sa naturang eskuwelahan at habang ito ay naghihintay sakay ng kanyang Toyota Hilux pickup ay bigla na lamang itong nilapitan ng dalawang kalalakihan sakay ng isang motorsiklo.
Dagdag pa ng pulisya si Santos ay binaril ng malapitan sa ulo at ang mga suspek ay mabilis namang tumakas matapos ang pamamaril.
Napag-alaman na si Santos ay sinuspinde ng Office of the Ombudsman kasama pa ang ibang BuCor official noong Setyembre 2019 at patawan ng 6-buwan suspension matapos na ito ay masangkot sa iskandalo ng Good Conduct Time Allowance law. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.