TALIWAS sa mga ulat, nilinaw ng Palasyo ng Malakanyang kahapon na walang iniuutos ang Pangulong Rodrigo Duterte na supension ng pag-aangkat ng bigas.
“As of this time there is no order to stop rice importation given the [Secretary William Dar] of the Department of Agriculture per the latter,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador “Sal” Panelo.
Sa eksklusibong ulat ng GMA News ay inihayag ng Pangulong Duterte ang pansamantalang pagpapatigil sa rice importation upang matugunan ang usaping kinahaharap ng mga lokal na magsasaka bunga ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.
Isinabatas ang rice tarrification nitong Pebrero upang mapababa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagpapaluwag sa import restrictions, na nagpalaki ng supply sa bansa.
Bumaha ang mga imported na bigas sa merkado na ang epekto ay pagbaba naman ng presyo ng palay.
Sa panayam ng The Source ng CNN Philippines, sinabi ni Agriculture Spokesperson Noel Reyes na wala pang natatanggap ang ahensiya na kautusan mula sa Malakanyang kaugnay sa pagsuspinde sa rice importation.
Binigyang-diin ni Reyes na ang dami o volume ng imported rice ay bababa pa rin kahit na walang utos mula sa Pangulo sa gitna ng panahon ng anihan.
“We heard the news and we are still awaiting the directive from Palace, from the President himself, but then again marami nang imported rice dito, so even if he will not say it, konti na lang talaga ang magi-import,” pahayag ni Reyes.
Nabatid na umaayon ang Department of Agriculture kay Finance Secretary Sonny Dominguez na hindi na kailangang i-repeal ang nasabing measure.
Nakakolekta na ang gobyerno ng tinatayang 11 bilyong pisong buwis mula sa outsourced rice.
Sa ilalim ng batas, popondohan ng tax proceeds ang mga programang makatutulong sa mga magsasaka katulad ng maramihang patubig, rice storage at research initiatives.
Comments are closed.