INALIS na ng Office of the Ombudsman ang suspensiyon sa mahigit 20 tauhan ng National Food Authority (NFA) na sangkot sa umano’y unauthorized sale ng rice buffer stocks sa mga piling trader.
Sa panayam sa Dobol B TV nitong Biyernes, sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na inalis ang suspensiyon makaraang matuklasan ng mga imbestigador mula sa kanyang tanggapan ang maling datos sa listahan na ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA).
“Kung may pagkakamali sa listahan na iyan, hindi namin kasalanan iyon. Hindi ko alam kung sino nanloko sa amin,” ani Martires.
Ayon kay Martires, kabilang sa NFA personnel na binawi ang suspensiyon ay warehouse supervisors sa National Capital Region (NCR).
“After conducting initial investigation ng mga imbestigador namin, itong inirekomenda nila na i-lift ang preventive suspension sa mga warehouse supervisors sa Iloilo, Antique, Cabanatuan, basta NCR. Basta mga 23 lahat ‘yun,” aniya.
Dagdag pa niya, bago ang 23 ay inalis na nila ang suspension order sa isang empleyado ng NFA.
Ayon kay Martires, sinabi ng NFA na inakala nila na ang hinihinging listahan ay para sa mga miyembro ng task force para sa El Niño.
“Ang tanong lang namin, kung listahan ng task force ng El Niño, bakit isinama ‘yung mga kawani na patay na? Ano ‘yung purpose noon? Niloloko ninyo ang secretary of Agriculture?” aniya.
Sinabi pa niya na iniimbestigahan din nila ang nasa likod ng listahan.
Sinuspinde ng Ombudsman ang 139 NFA officials at personnel bilang bahagi ng imbestigasyon sa umano’y paluging pagbebenta sa rice buffer stocks sa mga piling trader.
Epektibo ang suspensiyon noong March 4, 2024 at tatagal ng 90 araw.