SUSPENSIYON SA 72 PANG NFA PERSONNEL INALIS NG OMBUDSMAN

INALIS na ng Office of the Ombudsman ang six-month preventive suspension na ipinataw laban sa 72 tauhan ng National Food Authority (NFA) na isinasangkot sa umano’y irregular sale ng rice buffer stocks sa mga pinapaborang trader.

Ang grupo ay kabilang sa 139 respondent officials at employees  na isinailalim sa six-month preventive suspension noong March 1 sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang bentahan ng NFA rice buffer stocks.

Sa 23-pahinang kautusan na may petsang Mayo 10, sinabi nina Ombudsman Samuel R. Martires at Special Prosecutor Edliberto G. Sandoval na,  “there is insufficient ground to believe that their continued stay in office may prejudice the investigation of the case filed against them.”

“Thus, the continued preventive suspension of the afore-named warehouse supervisors is no longer necessary,” nakasaad sa kautusan.

Ang Ombudsman at ang internal panel of investigators ng Department of Agriculture ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y improper sale ng 75,000 bags ng NFA rice buffer stock na nagkakahalaga ng mahigit P93.7 million.                                                                

(PNA)