HINILING ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal ang suspensiyon ng Commission on Elections (Comelec) sa pag-aalis ng campaign materials na lagpas sa sukat pero pinayagan ng mga may-ari na ilagay sa pribado nilang ari-arian.
Ipinaabot ito ni Macalintal sa ipinadalang liham sa Comelec na kanyang hiniling na repasuhin muna ng komisyon ang mga patakaran nito.
Nauna nang iginiit ni Macalintal na hindi maaaring basta pumasok ang sinuman sa pribadong ari arian para magbaklas ng campaign materials nang walang permiso mula sa nagmamay-ari ng lugar.
Kanya rin hinikayat ang mga nakaranas ng ganitong hakbang na maghain ng kaukulang reklamo sa Korte Suprema.
Bago ito, hinamon ni Comelec Spokesman James Jimenez ang mga kumukuwestiyon sa Oplan Baklas na magsumite ng petisyon sa Comelec o magsampa ng kaso sa Korte.
Tinukoy rin ni Jimenez na sinimulan na rin ng Comelec En Banc na tingnan ang mga probisyon ng Fair Elections Act na sumasaklaw sa pagpapatupad ng Oplan Baklas.
Wala pa namang pahayag ang Comelec sa ipinadalang sulat ni Macalintal. JEFF GALLOS