SUSUNOD NA PNP CHIEF SINASALA NA NI PBBM

HANGGANG sa kasalukuyan ay sinasala pa umano ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kung sino ang itatalaga niyang magiging unang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Ang pahayag ay ginawa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. matapos na maglutangan ang mga ulat na si Lt Gen Rhodel Sermonia, na siyang PNP No. 2 man dahil sa pagiging PNP deputy chief for administration nito, ang nakatakdang hiranging susunod na Chief, PNP.

“This is not true and the matter is being discussed,” ayon kay Abalos.

Idinagdag pa ni Abalos na pinag-aaralan pang mabuti ng Pangulo kung sino ang kanyang itatalagang susunod na PNP chief at inaasahang agad itong iaanunsiyo sa mga susunod na araw.

Nang matanong naman kung nagbigay na ba siya ng rekomendasyon sa pangulo, sinabi ni Abalos na may grupong gumagawa nito.

Aniya, mahirap sa ngayon na magbigay na ng detalye hinggil dito.

“Well, there is a team that’s doing that. It’s just difficult to give details regarding that,” aniya.

Nabatid na kung susundin ang rule of succession, bukod kay Sermonia, ilan pa sa posibleng contenders para maging PNP chief ay sina PNP deputy chief for ope­rations Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ang No. 3 man ng PNP at siyang nagsisilbing officer-in-charge (OIC) ng PNP simula noong magretiro sa puwesto si dating PNP chief Gen. Dionardo Carlos; Area Police Command-Northern Luzon chief PLTGEN Rodolfo Azurin Jr.; PNP deputy chief for operations PMGEN Valeriano De Leon; National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief Maj Gen Felipe Natividad at Police Regional Office (PRO) 10 (Northern Mindanao) Director PBGEN Benjamin Acorda Jr. EVELYN GARCIA