SUV DRIVER NA MAY PEKENG PLATE NUMBER 7 SUMUKO

SUMUKO na ang driver ng sports utility vehicle na may pekeng protocol plate 7 na pumasok sa Edsa Busway noong Linggo.

Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Attuy. Vigor Mendoza II, nakipag-ugnayan sa kanila nitong Martes si Angelito Edpan, 52-anyos, driver sa isang pribadong kompanya.

 “The driver and the registered owner of the SUV contacted us yesterday and informed us that they would show up and take responsibility for the unfortunate incident at Guadalupe, Makati,” ayon kay Mendoza.

Sinabi ni Edpan na sakay nila ang investors ng kanilang kompanya at inakalang maaaring dumaan sa Edsa Busway dahil Linggo naman nang maganap ang insidente.

Hindi rin alam ni Edpan kung paano nagkaroon sila ng fake “7” protocol plate habang sinabi naman ng kompanyang pinapasukan nito na kanilang itong iimbestigahan.

Humingi naman ng paumanhin ang driver sa naging asal nito at nilinaw na walang nag-utos sa kanya na pumasok sa Edsa Busway.

“Wala po na nag-utos sa akin, nagmamadali na ako. Sinubukan ko kasi akala ko noong Linggo walang ano kaya sinubukan kong pumasok,” ayon kay Edpan.

Sinabi naman ng LTO na nahaharap si Edpan sa paglabag sa pagsuway sa traffic signs na may P1,000 fine, reckless driving, P2,000 fine, illegal use of protocol plate na P5,000 fine, at multa na P1,000 sa kabiguang maglagay ng regular plate habang iisyuhan din ng show cause order ang kompanya nito.

EUNICE CELARIO