SUV NA MAY PLATE 7 SA EDSA BUSWAY TINUKOY NG LTO

INIHARAP ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng kontrobersyal na sports utility vehicle (SUV) na may “7” protocol plate na ilegal na pumasok sa EDSA Busway, at inanunsyo ng ahensya na natukoy na rin ang rehistradong may-ari ng nasabing sasakyan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang driver ay kinilalang si Angelito Edpan habang ang puting Cadillac Escalade ay nakarehistro sa Orient Pacific Corporation.

“I would like to announce that the mystery behind the ownership and the people behind the controversial SUV with Number 7 protocol plate on EDSA Busway is already solved,” ayon kay Assec Mendoza sa isang press briefing sa LTO Central Office sa Quezon City.

 “We were contacted yesterday (November 5) and they informed us that they will show up to take full responsibility for that incident,” dagdag niya.

Sinabi ni Assec Mendoza na agad nilang inaksyunan ang insidente matapos mag-viral sa social media ang video ng paglabag, at sinimulan ito sa pamamagitan ng pagsuri sa lahat ng Cadillac Escalade sa bansa na humi­git-kumulang 100 unit.

Ang bilang, gayunpaman, ay lumiit sa mas mababa sa 20 batay sa resulta ng paghahanap sa LTO system sa puting Cadillac Escalade.

Sa press conference, kinumpiska ng LTO ang lisensya ng driver na si G. Edpan at naglabas ng traffic violation ticket laban sa kanya.

“We will issue a show cause order and there could be more administrative charges based on the on­going investigation,” ani Assec Mendoza.

Sa parehong press conference, kinumpirma ni Omar Guinomla, kinatawan ng Orient Pacific Corporation, na ang puting Cadillac Escalade ay sasakyan ng kanilang kompanya.

Tiniyak ni Assec Mendoza sa publiko na ipapataw ang mga parusa kaugnay ng insidente.

BENEDICT ABAYGAR, JR.