BATANGAS CITY- KASALUKUYANG isinasailalim na sa pagsusuri ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang Sports Utility Vehicle (SUV) na sinasabing sasakyan na pinaglipatan ng beauty queen na si Catherin Camilon sa lalawigang ito.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Colonel Jean Fajardo, tinitingnan na kung ang naturang SUV ang hinahanap na pulang Honda CRV na walang plaka ang pinaglipatan kay Camilon.
Ito ay base sa salaysay ng dalawang nakasaksi sa krimen.
Nabatid na nitong nakalipas na araw ng Miyerkules, iniwan ang naturang sasakyan na walang plaka sa lugar na nakita ng mga residente at dahil walang kumuha ay ipinagbigay-alam na ito sa mga pulis na agad namang inimbestigahan makaraang matanggap ang naturang ulat.
Noong Oktubre 12, napaulat na nawawala si Camilon na huling nakita sa Lemery, Batangas kaya naman sinabi ni Fajardo na patuloy ang kanilang pag-asa na buhay pa ang biktima bilang paggalang na rin sa naghihinagpis na pamilya nito. EVELYN GARCIA