SWAB TEST ON WHEELS ARANGKADA SA LAS PIÑAS

Emi Calixto-Rubiano

ILANG araw makaraang umarangkada ang mass testing sa lungsod ng Pasay ay agad naman itong sinundan ng isa pang serbisyong pangkalusugan na ‘Swab Test on Wheels’.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, ang ‘Swab Test on Wheels’ ay isang mobile testing facility kung saan mismong ang serbisyong pangkalusugan ng lungsod ang pumupunta sa mga barangay na malayo sa mga health centers para magpa-swab test kaugnay sa sakit na coronavirus disease o COVID-19.

Paliwanag ni Calixto-Rubiano, ang pasilidad ng ‘Swab Test on Wheels’ ay isang minibus na dating isang mobile dental clinic na ikinonvert o ginawang mobile swab sample-collecting at testing vehicle.

Sinabi ng alkalde na ang mga lugar na kung saan ang mga tao ay nahihirapan na magtungo sa mga kanilang pinakamalapit na health centers ang prayoridad na pinupuntahan ng ‘Swab Test on Wheels’ na kauna-unahang COVID-19 mobile testing facility sa buong Metro Manila.

Sinabi rin ni Calixto-Rubiano na prayoridad rin na mabigyan ng serbisyo sa swab testing ang mga komunidad na kung saan maraming mahihina ang pangangatawan tulad ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) na walang malapit o di mapuntahang health centers sa kanilang lugar.

Dagdag pa ng mayora, ang mga medical technologists na magsasagawa ng testing sa ‘Swab Test on Wheels’ ay kumpleto rin sa proteksyon sa katawan tulad ng pagagamit ng personal protective equipment (PPE) upang hindi sila mahawahan kung saka-sakali man gang taong nagpa-test sa kanila ay positibo sa COVID-19.

Ang lahat ng mga specimen na nakolekta ng naturang mobile facility ay ipapadala sa Philippine Red Cross laboratory kung saan malalaman ang magiging resulta ng test sa loob ng dalawang araw.

Nakatakdang bisitahin ng ‘Swab Test on Wheels’ ang mga barangay ng Kuyegkeng, Malibay, Doña Nena, at Doña Martha, kung saan ayon kay Calixto-Rubiano ang mga residente dito ay walang paraan upang makarating sa pinakamalapit na health center sa kanilang lugar.

Ipinaliwanag ng Pasay City Health Office (CHO) na ang mga kumpirmadong kaso na naireport kamakailan ay na-verify ng Department of Health (DoH), RITM, Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (EDSU), health centers, barangay, at ng mismong pasyente o mga kamag-anak nito.

Dagdag pa ng CHO, ang mga kopya ng investigation form gayundin ang resulta ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ay nasa kanilang pangangalaga.

Sa huling datos na inilabas ng CHO dakong alas 10:00 ng gabi (Abril 26), umabot na sa 167 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod at 19 sa bilang na ito ang naitalang mga pumanaw na.

Ang suspect na kaso ay may bilang na 75 habang ang probable ay lumobo naman ang bilang sa 382 samantalang umabot na rin sa 28 ang mga nakarokober na sa naturang virus at patuloy na nagpapagaling. MARIVIC FERNANDEZ