PALALAKASIN pa ng Philippine National Police (PNP) ang mass testing sa kanilang hanay bilang bahagi ng kampaniya nila kontra COVID-19.
Ito ang binigyang diin ni Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander P/LtGen. Guillermo Eleazar na nagsabing dapat mailabas agad ang resulta ng swab test sa mga pulis sa loob lamang ng 24 oras.
Ayon kay Eleazar, sa pamamagitan ng mas pinalakas na mass testing sa hanay ng pulisya ay mapoprotektahan din nito ang pamilya ng mga pulis gayundin ang komunidad kung saan sila nanunuluyan mula sa banta ng virus.
Batay sa datos ng PNP, aabot sa 8,559 ang tinamaan ng COVID-19 sa hanay ng PNP matapos madagdagan ito ng 54 na bagong kaso.
Bagama’t may dalawang molecular laboratories ang PNP sa Kampo Crame na kayang makagawa ng 240 test kada araw, sinabi ni Eleazar na hindi pa rin umaabot sa 100 ang kanilang naisasailalim sa testing at kailangan aniya itong i-maximize.
Comments are closed.