NAGPAHAYAG ng interes ang Swedish investors na mag-invest sa Pilipinas dahil sa malakas na macroeconomic fundamentals, bumuting business climate, at highly skilled workforce ng bansa.
Sa isang statement nitong Miyerkoles, sinabi ng Department of Finance (DOF) na nakipagpulong si Finance Secretary Ralph Recto sa Swedish investors, sa pangunguna nina Skandinaviska Enskilda Banken (SEB) chairperson Marcus Wallenberg at Saab president and chief executive officer Micael Johansson noong Marso 8 upang talakayin ang posibleng areas of cooperation.
Ang delegasyon ay sinamahan ni Swedish Ambassador to the Philippines Annika Thunborg.
Sa naturang pagpupulong, nagpahayag ng interes ang mga investor sa pagpapalakas ng defense industry ng bansa, tinukoy ang track record ng Sweden sa pagpapaigting ng defense capabilities sa mga bansang tulad ng Brazil at Thailand.
Binanggit din nila na ang pag-anib kamakailan ng Sweden sa North Atlantic Treaty Organization ay nagpapakita ng malaking oportunidad para sa Swedish arms manufacturers na makapag-ambag sa modernisasyon ng defense capabilities ng Pilipinas.
Ang iba pang potential areas for collaboration na tinalakay sa pagpupulong ay ang pharmaceuticals, financial solutions, green projects, at mas malalim na public-private partnerships (PPP).
Ang SEB ay nangungunang North European financial group na may market value na tinatayang P1.7 trillion hanggang March 2024.
Samantala, ang Saab ay isang Swedish defense and security company na may market value na PHP580.18 billion hanggang sa kaparehong panahon.
Hinikayat ni Recto ang Swedish investors na mamuhunan sa flagship infrastructure projects ng bansa na nakahanda para sa PPP investments sa ilalim ng Build Better More program ng pamahalaan.
Ang programa ay tinatampukan ng 185 big-ticket infrastructure projects na nagkakahalaga ng P9.14 trillion mula sa power, physical connectivity, rural development, water resources, digitalization, sustainable initiatives, at health care.
Ibinida rin ni Recto na ang Pilipinas ang fastest-growing economy sa ASEAN sa kabila ng external challenges tulad ng mataas na inflation, mas mabagal na global growth, at umiigting na geopolitical tensions.
Binigyang-diin din niya ang pro-business at economic liberalization policies na ipinatupad ng bansa upang maisulong ang welcoming environment para sa mga negosyo at makahikayat ng foreign partnerships.
Kinabibilangan ito ng PPP Code; mga amyenda sa Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act, at Foreign Investments Act (FIA); at mga amyenda sa implementing rules and regulations ng Renewable Energy Act of 2008 na nagkakaloob ng full foreign ownership sa renewable energy projects.
(PNA)