NAKUMPLETO ng Ateneo ang perfect 16-0 season sa pamamagitan ng 86-79 pagdispatsa sa University of Santo Tomas sa harap ng 20,198 fans sa Game 2 ng UAAP men’s basketball tournament finals kagabi sa Mall of Asia Arena.
Tulad ng inaasahan ni coach Tab Baldwin matapos ang Game 1, ang Growling Tigers ay matikas na nakipaghamok makaraang maghabol sa kaagahan ng laro, subalit hindi napigilan ang Katipunan dribblers sa pagsikwat ng three-peat at ika-11 korona sa kabuuan.
Bukod sa pagtatapos sa dekadang ito bilang pinakamatagumpay na koponan, ang Ateneo ay naging ika-4 na eskuwelahan din na nagwagi ng korona na walang dungis, matapos ng University of the East (1969 at 1970), Far Eastern University (1976, 1980 at 1981), at UST (1993).
Muling nagbida si Thirdy Ravena para sa Eagles sa pagkamada ng 17 points, 7 rebounds at 5 assists, habang naitala ni SJ Belangel ang lahat ng kanyang 15 mula sa 3-point area.
Si Ravena ang napiling Finals MVP sa ikatlong sunod na season makaraang mag-average ng 24.5 points, 6 rebounds at 4 assists sa serye.
“Hinding-hindi kami magpapatalo. Gagawa kami ng history,” wika ni Matt Nieto, na tumipa ng 14 points, 6 boards at 5 assists sa kanyang final appearance sa Ateneo.
“It was a dream season,” ani Baldwin.
Bagama’t winalis sa finals, isa itong kahanga-hangang season para sa upstart UST, na nakabalik bilang isa sa elite teams ng liga makaraang pataubin ang FEU at University of the Philippines ng dalawang beses sa step-ladder semifinals.
Nakalikom si Rhenz Abando ng 16 points, nag-ambag si Rookie of the Year winner Mark Nonoy ng 14 points, 6 rebounds at 5 assists at kumana si newly-minted MVP Soulemane Chabi Yo ng double-double na 11 points at 19 rebounds para sa Tigers.
Iskor:
Ateneo (86) – Ravena 17, Belangel 14, Ma. Nieto 14, Kouame 7, Navarro 7, Go 6, Maagdenberg 6, Wong 5, Daves 4, Mi. Nieto 3, Mamuyac 2, Andrade 0.
UST (79) – Abando 16, Nonoy 14, Chabi Yo 11, Concepcion 8, Subido 8, Huang 7, Ando 6, Paraiso 5, Cansino 4, Bataller 0, Pangilinan 0.
QS: 31-18, 42-32, 67-62, 86-79
Comments are closed.