SWEEP SA CELTICS

ISINALPAK ni Derrick White ang tiebreaking corner 3-pointer, may 45 segundo ang nalalabi sa  regulation, at nakumpleto ng Boston Celtics ang four-game sweep sa Indiana Pacers sa NBA Eastern Conference finals sa 105-102 panalo noong Lunes ng gabi sa Indianapolis.

Umiskor si Jaylen Brown ng 29 points at nagdagdag si Jayson Tatum ng 26 points, 13 rebounds at 8 assists para sa top-seeded Celtics na nakakuha ng puwesto sa NBA Finals sa ikalawang pagkakataon sa nakalipas na tatlong seasons.

Kumubra si Andrew Nembhard ng 24 points at playoff career-high 10 assists para sa sixth-seeded Pacers.

Nalusutan ng Boston ang nine-point, fourth-quarter deficit at muling namayani sa krusyal na sandali.

Ito ang ikalawang sunod na comeback win sa Indianapolis para sa Boston, na nalusutan ang eight-point deficit, may 2:38 ang nalalabi sa Game 3 upang iposte ang 114-111 panalo.

Nagtala si Jrue Holiday ng 17 points at 9 rebounds noong Lunes at nagdagdag si  White ng 16 points, 5 steals at 3 blocked shots para sa Celtics, na makakaharap ang Dallas Mavericks o Minnesota Timberwolves sa  Finals.

Nakakolekta si Pascal Siakam ng 19 points at 10 rebounds at nagdagdag si T.J. McConnell ng 15 points para sa Indiana. Umiskor si Aaron Nesmith ng 14 points at nagdagdag si Obi Toppin ng 12.

Hindi naglaro si Pacers star Tyrese Haliburton (hamstring) sa ikalawang sunod na pagkakataon.

Bumuslo ang Celtics ng 44.9 percent mula sa field, kabilang ang 14 of 44 mula sa 3-point range.

Ipinasok ng Indiana ang 46 percent ng shot attempts nito at  10 of 29 mula sa arc.

Umiskor si McConnell ng 6 points sa loob ng 64 segundo sa kaagahan ng  fourth quarter upang bigyan ang Pacers ng 89-82 lead. Isang three-point play ni Nembhard ang naglagay sa talaan sa 94-85, may 8:57 sa orasan.

Makaraang lumapit ang Boston sa apat na puntos, nagsalpak si Nesmith ng back-to-back baskets upang bigyan ang Indiana ng 98-90 kalamangan, may 5:56 ang nalalabi.

Sumagot ang Celtics ng 8-2 run upang lumapit sa 100-98 sa  three-point play ni Holiday, may 3:54 ang nalalabi.

Isang runner ni Brown ang nagtabla sa iskor sa 102-102, may 2:40 sa orasan.

Umiskor si Tatum ng 16 points bago ang halftime at lamang ang Boston sa 58-57 sa break. Nakalikom din si Nembhard ng 16 points sa first half.

Kinuha ng Pacers ang 83-80 bentahe papasok sa  final stanza.