Natakasan ni Andres Feliz ng Dominican Republic si Dimitri Maconda ng Angola sa kanilang laro sa 2023 FIBA Basketball World Cup kahapon sa Araneta Colusium. Kuha ni PETER BALTAZAR
DINISPATSA ng Dominican Republic ang Angola, 75-67, upang makumpleto ang sweep sa Group A sa 2023 FIBA World Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Sa kabila ng pagkawala ni Karl-Anthony Towns dahil sa foul trouble sa malaking bahagi ng laro, ang Dominicans ay hindi bumigay sa defensive pressure ng Angolans.
Pinangunahan nina Lester Quinones at Victor Liz ang Dominicans sa first quarter, kung saan na-outscore nito ang Angolans, 20-11.
Isang three-point play ni Angel Delgado ang naglagay sa talaan sa 26-13 para sa Dominican Republic, subalit hinigpitan ng Angola ang depensa upang tapyasin ang kalamangan sa 37-32 papasok sa second half.
Napilitan si Towns na lumabas sa kaagahan ng third quarter makaraang kunin ang kanyang fourth personal foul.
Dahil dito ay nahirapan ang Dominicans na mapanatili ang bentahe sa Angolans. Isang tres ni Childe Dundao, may 2:46 ang nalalabi sa period ang nagbigay sa Angola ng 46-45 lead.
Muling ipinasok si Towns sa payoff period at tumulong sa paglulunsad ng 10-3 run upang bigyan ang Dominicans ng 58-53 bentahe.