Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4:30 p.m. – San Miguel vs Bay Area 6:45 p.m. – Ginebra vs Magnolia
SA PAGBABALIK ni Vic Manuel sa active roster ng San Miguel ay mas mabigat na trabaho ang naghihintay sa kanya at sa buong koponan.
Ang reigning PBA Commissioner’s Cup champions ay nasa bingit ng pagkakasibak matapos ang 114-95 pagkatalo sa guest team Bay Area Dragons sa Game 2 ng kanilang semifinals series.
Ang Beermen ay 0-2 sa bestof-five series, nangangahulugan na kailangan nilang walisin ang susunod na tatlong laro para makaabante sa finals.
Si Manuel ay muling nakasama ng koponan makaraang mawala sa kaagahan ng playoffs dahil sa kanyang strained ITB.
Sa kabila na limitado ang kanyang playing minutes, ang 33-year-old na si Manuel ay umiskor ng 9 points sa perfect 4-of-4 field goal shooting sa pagkatalo sa Game 2.
Sinabi ng San Miguel forward na masarap ang kanyang pakiramdam sa floor, bagama’t ang kanyang timing ay medyo hindi pa maganda.
Ngunit ngayon ay batid ni Manuel na kailangang kumayod pa ang Beermen para mahila ang kanilang kampanya.
Mahirap na trabaho pero ang anumang bagay ay posible.
“Medyo mahirap, pero laro pa rin kami. Kailangan magtiwala lang kami sa game plan ng coaching staff namin,” sabi ng tinaguriang ‘Muscle Man.’
“May chance pa naman. Hindi pa naman kami out. May laro pa, may chance pa kami,” dagdag ng 6-foot-4 forward.
Nakatakda ang bakbakan ng Dragons at Beermen sa alas-4:30 ng hapon kasunod ang sariling semis duel ng Barangay Ginebra at Magnolia.
Naitabla ng Hotshots ang serye sa 1-1 makaraang maungusan ang Gin Kings, 96-95. sa Game 2 noong Biyernes ng gabi sa PhilSports Arena.
CLYDE MARIANO