SWEEP SA OBSTACLE COURSE RACING NAMUMURO

PHNOM PENH – Nanatili sa kontensiyon ang Pilipinas para sa four-gold target nito sa Cambodia Southeast Asian Games obstacle race competitions makaraang umabante ang aces nito sa men’s at women’s team relay finals nitong Huwebes sa Chroy Changvar Convention Center Car Park.

Isang araw makaraang isaayos ang all-Filipino championships sa individual men’s at women’s categories, ang quartet nina Jayr De Castro, Mervin Guarte, Elias Tabac at Ahgie Radan at female counterparts Mhick Tejares, Sandi Abahan, Tess Nocyao at Mecca Cortizano ay hindi nagpahuli para makasambot ng puwesto sa finals sa Linggo.

Ang men’s team ay nag-qualify bilang No. 2 sa heats na may oras na 25.866 seconds. Makakalaban ng Pinoy OCR athletes para sa gold sina Malaysia’s Ghalib Mohamad Azimi, Mohd Redha Rozlan, Nuur Hafis Said Alwi at Yoong Wei Theng, na nagtala ng pinakamabilis na oras na 25.6236.

Ang mga babae ay naorasan ng 40.1780 sa preliminaries at naisaayos ang title duel kina Indonesia’s Anggun Yolanda, Ayu Pupita, Mudji Mulyani at Rahmayuna Fadillah, na may best time na 35.0435.

“Kung run ang pag-ususapan, definitely maganda naman ang performance today,” sabi ni coach Kristian Guerrero.

“Kailangan lang ng few adjustments. Critical iyun dito, especially sa relay kasi may sections lang sila na ginagawa. Three obstacles lang per section and kailangan talaga mag-focus ang athlete. May konting adjustments na kapag gumanda, bibilis ang oras.”

Ang Obstacle Sports Team’s finals qualification ay kasunod ng record-breaking runs nina Mark Rodelas at Precious Cabuya sa individual play, kung saan mapapalaban sila sa Philippines vs Philippines golden showdown kontra 2019 champ Kevin Pascua at Kaizen dela Serna.

Kung magtatagumpay, makukumpleto ng delegasyon ang isa pang sweep sa SEA Game action. Noong 2019, naiuwi nila ang lahat ng anim na golds na nakataya.

“That’s the plan,” wika ni Guerrero kung saan sisikapin nilang muling maka-sweep at mag-ambag sa overall campaign ng Philippine Sports Commission-backed Team Philippines dito.

CLYDE MARIANO