‘SWEEP’ SA TNT? (Finals aasintahin ng Texters)

TNT

Laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

7 p.m. – Ginebra vs TNT

Game 3, Texters abante sa 2-0

SISIKAPIN ng Talk ‘N Text na walisin ang Barangay Ginebra at pumasok sa PBA Commissioner’s Cup finals ngayon sa Mall of Asia Arena.

Tangan ang 2-0 lead, kailangan na lamang ng Tropang Texters na ta­lunin ang naghihirap na Gin Kings sa Game 3 sa alas-7 ng gabi upang tapusin ang kanilang best-of-5 semifinals series.

Tiyak na sasamantalahin ni TNT coach Ferdinand ‘Bong’ Ravena ang kalamangan sa serye upang sibakin ang tropa ni coach Tim Cone na kailangang pairalin ang ‘never-say-die’ spirit upang mapanatiling buhay ang kanilang title-retention bid.

“2-0 lead is good incentives. We will use this as springboard in our entry to the finals,” sabi ni Ravena matapos na mu­ling payukuin  ang Barangay Ginebra, 88-71, noong Linggo ng gabi.

Gayunman ay hindi dapat magkumpiyansa si Ravena dahil sanay bumangon ang Gin Kings at baligtarin ang sitwas­yon sa kanilang pabor at palawigin ang serye.

Bilang defending champion ay matindi ang pressure na nararamdaman ni Cone. Tiyak  na gagamitin ng American coach ang lahat ng kanyang nalalaman upang mapanatili ang korona at protektahan ang kanyang pangalan bilang ‘Dean of Coaches’ dahil siya ang may pinakamaraming titulo (20) magmula pa noong 1991, kasama ang dalawang grandslams noong 1999 at 2014.

Kailangang painitin ni Cone ang kanyang vaunted scoring machine at kumayod nang husto si Justine Brownlee at depensahang mabuti ang kaliweteng si Terrence Jones, katuwang sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Jeff Chan at rookie Bernabe Teodoro laban kina Jayson Castro, Roger Pogoy, Don Trollano, Ryan Reyes at Anthony Semerad at Troy Rosario sa shooting contest. CLYDE MARIANO

Comments are closed.