SWEET 16 SINGING VOICE NI VILMA SANTOS

Nang i-release ang first album ni Vilma Santos noong 1969 under Willears Record, — yes po, nag-record ng “mga” kanta si Ate Vi — hindi inaasahan nino mang bebenta ng 500,000 kopya ang kanyang  vinyl record, lalo pa’t ang mga kasabayan niya ay ang mga Tawag ng Tanghalan Grand Winners na sina Nora Aunor, The girl with the Golden Voice at Edgar Mortiz na TNT winner din.

Gulat na gulat ang Willears Records dahil naging record-breaking album of that year ang signature song na “Sixteen” at naging paborito pang patugtugin sa mga radyo, patunay na kaya pala ni Vilma Santos na makipagsabayan sa kantahan sa kanyang clo­sest rival at mas kilalang singer na si Nora Aunor. Akalain nyong nakakuha ng Golden Record Award si Ate Vi sa kanyang debut album na may 16 na English songs kasama ang apat na original song ng kilala noong composer at arranger na si Dannie Subido!

Bago ang debut album, kumanta na si Vilma Santos noong 9 years old siya in 1964 nang gumanap siyang isang child singing sensation sa pelikulang Ging, kasama si Olivia Cenizal. Pero Bata pa lang, nakitaan na siya ng husay sa pag-arte sa drama kaya doon na-focus ang kanyang career. At nang magsimula nga ang musical trends noong late 60s, medyo kumulimlim ang kanyang career dahil inaasahan noong dapat, marunong kumanta ang mga young stars.

Aminado naman si Ate Vi na konti lang ang pwede niyang kantahin, kaya mas nag-concentrate siya sa acting and dancing kung saan siya mas mahusay.

Fortunately, naging matagumpay ang tambalang Vi and Bot — si Edgar ‘Bobot’ Mortiz na isa ngang mahusay na singer. Paminsan-minsan, bilang ka-love team, nagdu-duet sila. Okay lang sa fans na hindi gaanong kagandahan ang boses ni Ate Vi. Sa totoo lang, bumagay pa nga ang boses niya sa boses balladeer ni Bobot.

Success nga ang Vi & Bot love team at nakagawa sila ng maraming pelikula kung saan nag-best actress pa si Ate Vi — sa Dama de Noche. Pero mas sikat ang pelikula nilang Kampanerang Kuba na ni-remake pa nga ni Anne Curtis. At noon ngang 1969, namayagpag siya sa ere bilang singer.

Si William Leary, manager ni Vilma, ang nakiusap kay musical director Danny Subido na maghanap ng mga kantang babagay sa range ng “Star for all seasons (hindi pa niya ito title noon). Challenge ito para kay Subido pero nagawan niya ng paraan at nag-golden record pa nga, di ba?

Sa mga napili niyang kanta, binigyang-diin ang current state of mind ng isang growing teenager. Yung confusion ng “hindi na bata pero lalong hindi pa dalaga.” Nung time kasi nila, makasabay mo lang ang lalaki sa kalsada, iisipin na ng maraming magsyota kayo. Kaya yung simula ng kantang “kissin’ in the park. ..” sex education na yon at introduction to adulthood and friendship.

Nung una raw, hiyang hiya si Ate Vi dahil wala talaga siyang tiwala sa boses niya, pero nang magresulta nga sa Golden Record Award, aba, kahit paano’y nagkaroon siya ng tiwala sa kanyang singing voice.

Laro lang at katuwaan ang pagkanta ni Ate Vi, pero very relevant pa rin ito kahit ngayon. Siguro, dahil bagay nga sa boses niya ang kantang “Sweet Sixteen.” Pwede ring dahil may sexual implications – “making out” – kissing and hugging in public place – na no-no sa mga Pinoy noong mga panahong iyon. Alalahaning hippie era noon at simula na rin ng feminist movement. Aba, nagsisimula na rin ang free love carefree young ge­neration, na sinusubukan pa lang ng mga matatapang na babae.

Basta ang bottom line, napatunayan ni Vilma Santos sa kanyang “Sixteen” album na kaya niyang maging remarkable singer.

Kaye VN Martin