Kakaibang twist na maiibigan ng kahit na sinong makatitikim
(Ni CS SALUD)
SINASABI ng ilan na hindi nila kayang magluto. Na wala silang talento pagdating sa kusina.
Oo, sabihin na nating hindi marunong magluto o walang talento pagdating sa kusina ang isang tao. ngunit tandaan nating lahat ng bagay ay puwedeng pag-aralan lalo na kung nais mo itong matutunan. Kumbaga, kung gusto ay mayroong paraan at kung ayaw naman, marami ka talagang maiisip na dahilan.
Walang hindi kayang gawin ang isang tao lalo na kung magpupursige ito. Hindi nga ba’t lahat ay ginagawa natin dahil sa ating pangarap. Hindi ba’t wala tayong hindi kayang gawin maibigay lang sa ating minamahal ang saya at maalwang buhay.
Gayundin sa pagluluto.
Kumbaga, kung gustong matutunan ang pagluluto, magagawa ito kung pursigido ka. Pero siyempre, kinatatamaran ng marami ang humarap sa kusina. Sa pag-iisip pa nga lang naman ng lulutuin o putahe, sasakit na ang ulo mo. Kapag nakaisip ka na ng lulutuin, kailangan mo pang magtungo sa palengke o grocery para mamili. At kapag nakapamili ka na, huhugasan mo ang mga pinamili mo at hihiwain. Kapag nahugasan at nahiwa, saka ka pa makapagsisimulang magluto.
Mahabang proseso hindi ba. May ilan talagang mawawalan ng pasensiya at mas pipiliing kumain na lang sa labas o magpa-deliver na lang.
Iyon nga lang, hindi naman puwedeng magpapa-deliver o kakain na lang tayo sa labas palagi. Mas mapananatili nating healthy at malinis ang ating kinakain kung lutong bahay ito o kapag tayo mismo ang naghanda at nagluto. Higit sa lahat, mas tipid din ang magluto sa bahay kaysa ang kumain sa labas.
At sa mga nag-iisip ng panibagong putahe, may isa akong ibabahagi sa inyo na talaga namang maiibigan ng kahit na sinong makatitikim—ang Sweet and Spicy Chicken Wings with Celery.
Abot-kaya lang ito sa bulsa. Masarsa rin ito, kaya talagang masarap i-partner sa kaning umuusok pa.
Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa ng Sweet and Spicy Chicken Wings with Celery ay ang isang kilong chicken wings, tatlong balot ng kamatis o 18 hanggang 20 na pirasong kamatis na katamtaman ang laki, dalawang bungkos na celery, bawang, sibuyas, paminta, patis, chicken cubes, asin, siling pansigang, mantika at isang tasang tubig.
Paraan ng pagluluto:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Hugasang mabuti ang kamatis saka hiwain ito ng pino o maliliit. Ilagay na muna sa isang tabi.
Hugasan na rin ang celery, patuluin saka hiwain din ng pino. Hugasang mabuti ang chicken wings at patuluin sa isang lalagyan. Pitpitin ang isang ulong bawang at hiwain ng paggisa ang isang pirasong sibuyas.
Kapag naihanda na ang lahat ng mga kakailanganing sangkap ay magsalang na ng kawali, painitin itong mabuti bago ilagay ang mantika. Painitin din muna ng sobra ang mantika bago ilagay ang bawang at sibuyas. I-saute ang bawang at sibuyas.
Kapag medyo naluto na ito ay isama na ang kamatis na hiniwa-hiwa ng maliliit at pino. Ilagay ang chicken wings at hayaan itong kumulo hanggang sa maluto.
Huwag munang lalagyan ng tubig ang chicken dahil kusang nagtutubig ang kamatis.
Kapag medyo luto na ang chicken wings, ilagay na ang chicken cubes, patis, siling pansigang na nahiwa ng pino, paminta at asin. Hayaan ulit itong kumulo hanggang sa maluto.
Tikman hanggang sa makuha ang nais na lasa.
Kapag malapit nang maluto ang chicken wings, ilagay na ang celery.
Ang tamis nito ay nagmumula sa kamatis. Kaya’t siguraduhing hinog ang kamatis na gagamitin nang makuha ang manamis-namis nitong lasa.
Ganoon lang kasimple, maihahanda mo na sa iyong pamilya ang Sweet and Spicy Chicken Wings with Celery. Puwede rin itong pagsaluhan ng magkakabarkada.
Comments are closed.