SWEET ESCAPE TUNGONG MT. MAPALAD

MT MAPALAD-1

(Text and photos by MARY ROSE AGAPITO)

NAIS mo bang tumakas ng panandalian mula sa ingay ng siyudad? Makalanghap muli ng sariwang hangin? Magkaroon ng payapang isipan? Subukan ang day tour patungong Mt. Mapalad.

Hindi maikakailang sa bilis ng takbo ng ating pamumuhay ngayon ay mas malaki ang tiyansang maapektuhan ng stress, magkasakit, o mawalan ng gana sa ating mga ginagawa. Maging ito man ay sa trabaho o sa eskuwelahan.

Napakaraming tourist destination dito sa ating bansa. Marami ay ilang oras na biyahe lamang mula rito sa Maynila. Lalong nakaeengganyo ang paglalakwatsa kung hindi rin malaki ang magagastos.

Hindi lingid sa ating kaalaman na kilala ang Rizal sa pagkakaroon nito ng mga tourist destination tulad ng mga bundok, kuweba, at mga talon. Isa na nga rito ang Mt. Mapalad na matatagpuan sa Brgy. San Andres na ayon sa mga lokal, isinunod ito sa isang halaman na hugis palad sa kanilang lugar.

Ang Mt. Mapalapad ay may taas na halos 750 meters above sea level. Bagay ito para sa mga baguhan sa hiking. Maaabot naman ang tuktok nito sa loob ng 2-3 oras.

PAANO MAKARATING SA MT. MAPALAD

*Mula Cubao, sumakay ng jeep ng papuntang Cogeo, Antipolo. Ang pamasahe mula Cubao hanggang Cogeo, Gate 2 ay 26 pesos lamang.

*Bumaba sa Cogeo Gate 2 o Cogeo Public Market at maglakad pa­puntang Cogeo City Mall kung saan matatagpuan ang terminal ng jeep.

*Sumakay sa jeep at magpababa sa Barangay San Andres. Dapat tandaan na ang tawag ng ibang driver at konduktor sa lugar ng babaan ay Batangasan. Mula naman Cogeo papuntang Brgy. San Andres (Batangasan) 50 pesos.

*Pagkababa ay sumakay ng tricycle patungo sa registration area ng Mt. Mapalad. Ang renta sa isang tricycle papunta sa registration area ay 120 pesos.

*Sa kabuuan, ang ha­laga na ilalaan sa pamasahe ay 392 pesos balikan.

TIPS SA PAGHAHANDA AT PAG-AKYAT

MT MAPALAD-2Magdala ng mara­ming tubig, ekstrang damit at towel, maging tsinelas, at magdala rin ng snacks.

Magsuot ng komportableng damit at tiya­king protektado ang iyong katawan. Magdala ng sombrero upang proteksiyon sa init ng araw.

Mainam din na magsuot ng gloves at arms sleeves upang proteksiyunan ang inyong mga braso at kamay.

Mas mainam kung grupo kayo ng 5 pataas na aakyat upang mas mura ang gagastusin lalo sa pamasahe at tour guide. Ang karaniwang bayad sa tour guide ay 500 pesos. Kung kayo ay 5 sa grupo, 100 piso lamang kada isa ang inyong magagastos.

Magbabayad din kayo ng 20 pesos para sa environmental fee. Ito ang halagang napupunta sa munisipyo para sa pagpapanatili at pagsasaayos ng lugar.

Sa kabuuan, ang buong halagang maga­gastos sa pag-akyat ay 512 pesos lamang.

PAMUMUHAY SA MT. MAPALAD

Nakilala namin ang aming tour guide na si Carlos Sta Ana Hordeal, isang estudyante sa senior high school. Siya ay nag-aaral sa Sto. Niño National High School.

Isa lamang si Carlos sa mga tour guide sa pro­binsiya ng Rizal. Iba’t ibang bundok na rin ang kanyang naakyat bilang isang tour guide sa loob ng halos dalawang taon.

Ginagawa niyang part time na trabaho ang pagi­ging tour guide at ayon sa kanya, ito ay pandagdag sa kanyang baon at gastusin sa eskuwela.

Payak ang pamumuhay sa Mt. Mapalad. Ang kabuhayan ng mga lokal dito ay ang paggawa ng sawali o hinabing kawayan. Ito ay karaniwang ginagamit sa paggawa ng bahay. Isa rin sa kanilang kabuhayan ay ang pagtatanim ng gulay na kanilang ibinebenta  sa bayan.

Kabuhayan na ring maituturing ang pagiging tour guide sa barangay San Andres. Sa kasaluku­yan, may mahigit sa limampung regular at on call na tour guide sa kanilang lugar.

Ayon kay Carlos, ang pagiging tourist destination ng Mt. Mapalad matapos na magbukas ito dalawang taon na ang nakalilipas ay nagbigay ng oportunidad sa mga tao sa kanilang lugar.

Sa pag-akyat, hindi lamang ikaw ang makikinabang kundi maging ang mga kababayang nani­nirahan sa napakagandang lugar na ito.

MT MAPALAD-3Hindi madali ang pag-akyat ng bundok. Tatahakin mo ang masusukal na daan, mabato, at maputik hanggang sa marating ang tuktok. Dadamhin ang mainit na sikat ng araw. Ngunit ang lahat ng pagod ay mapapawi kapag nara­ting mo na ang iyong destinasyon.

Ang magandang tanawin, ang berdeng kapaligiran, ang sariwang hangin. Sulit ang lahat ng pawis na inilabas ng iyong katawan, ang pagngawa ng “Ayoko na!” habang paakyat ay tatawanan mo na lang.

Sa huli, ang dahilan ng pag-akyat mo ay tiyak na iyong makakamtan. Hindi ka bibiguin ng bundok na ito sa kagandahang kanyang taglay. Sa Mt. Mapalad, masasabi mong ika’y napakapalad.

Comments are closed.