SWEET POTATO EMPANADAS

SWEET POTATO EMPANADAS

(ni CT SARIGUMBA)

KAPAG ganitong sumasapit na ang holiday, napakasarap kumain nang kumain. Hindi nga naman natin maiwasang maghanap ng makakain. At sa lahat din ng handaang ating dinadaluhan, pagkain o kakaibang mga putahe ang hinahanap-hanap ng ating panlasa.

Kunsabagay, pagkain nga naman ang isa sa hindi mawawala sa ating kinahihiligan. At dahil mahihilig tayong kumain, marami rin tayong alam o naiimbentong mga lutuin o putahe na bukod sa simple ay wala pang kasinsarap. Mga kakaibang dessert o ulam na talagang kinagigiliwang kainin ng ating pamilya—may okasyon man o wala.

Isa ang empanada sa masarap pagsaluhan. Simple nga lang naman itong gawin. Kahit saan din ay makabibili ka nito. Marami ka ring fillings na puwedeng pagpilian gaya na nga lang ng Sweet Potato. At sa sarap nito, tiyak na ang lungkot at inis na nadarama ninyo ngayong holiday dahil sa tindi ng traffic at kaliwa’t kanang problemang kailangang harapin ay agarang maglalaho at mapapalitan ng ibayong ngiti.

Ang sweet potato empanadas ay kagaya lamang nang tipikal o tradisyunal na empanada. Ang kaibahan lang ay ang inilalagay sa loob nito. Imbes nga naman na chicken at gulay ay sweet potato ang ilalagay natin sa loob.

Napakalinamnam nga naman nito sa ating panlasa, hindi lamang iyon, healthy pa ito dahil sa sweet potato na ating gagamitin bilang filling.

Kaya kung mahilig kang magluto, subukan na ang Sweet Potato Empanadas. Puwede itong pagsaluhan ng buong pamilya at swak na swak din itong ibaon ng mga tsikiting at ni Mister. At kung sarap naman ang pinangangambahan mo, wala kang dapat alalahanin dahil sa bawat kagat, lasap na lasap mo ang kakaibang linamnam ng sweet potato sa iyong panlasa.

SWEET POTATO EMPANADAS RECIPE:

SWEET POTATO EMPANADAS-3Kagaya ng simpleng empanada o regular na empanada, madali lang ding gawin ang Sweet Potato Empanadas. Ang mga sangkap na kakailanganin natin sa paggawa nito ay ang sweet potato puree, maple syrup, cinnamon (hatiin), granulated sugar, 1 package Pillsburybiscuits at melted butter.

Paraan ng pagluluto:

Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Kapag naihanda na ay paghaluin na ang sweet potato puree, maple syrup at ground cinnamon sa isang lalagyan. Kapag nahalo na, isama na rin ang granulated sugar. Haluin ulit na mabuti.

I-divide naman ang biscuits sa walong piraso. Ilagay ang bawat biscuit sa 6” circle. Lagyan ang bawat circle ng 3 to 4 tablespoon ng sweet potato puree. I-spread ang melted butter sa edges ng empanadas saka ito i-fold ng half at i-seal ang borders. Tusukan ng tinidor ang empanada nang magkaroon ng ma­liliit na butas.

Pagkatapos ay ilagay sa baking tray ang empanada. Lagyan ng melted butter, kaunting sugar at cinnamon mixture ang ibabaw ng empanada saka i-bake ng 12 to 15 minutes o hanggang sa maluto ang empanada.

Kapag naluto na, tanggalin na sa oven at hayaang lumamig. Puwedeng-puwede itong ihanda ngayong Pasko. Swak na swak din itong ipanregalo.

Kaya naman, ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang Sweet Potato Empanadas. Bukod din sa sweet potato, puwede ring gumamit ng sweet berry, chicken, at kung ano-ano pa. Sa mga mahihilig sa pineapple at apple, puwede ring ito ang gawin ninyong fillings.

(photos mula sa google)