SWIMMING TAMPOK SA TOPS ‘USAPANG SPORTS’

USAPANG swimming ang sentro ng talakayan sa pagbabalik ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes, alas-10:30 ng umaga, sa Behrouz Restaurant sa Timog, Quezon City.

Inaasahang magbibigay ng pinakabagong detalye sa pagsasanay at kahandaan ang apat na miyembro ng BEST Swimming Team, sa pangunguna ni National junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh, na kabilang sa eight-man Philippine Team na isasabak ng Philippine Swimming Inc. (PSI) sa World Junior Championship sa susunod na buwan.

Makakasama ng 16-anyos na si Mojdeh ang kapwa elite swimmers ng club team BEST na sina Amina Isabelle Bungubung at magkapatid na Ruben at Heather White sa pagbabalik ng mainit na talakayan via face-to-face sa unang pagkakataon matapos ang dalawang taon na Zoom platform.

Kabilang din sa PH Team na sasabak sa prestihiyosong torneo na gaganapin sa Agosto 30 hanggang Setyembre 4 sa Lima, Peru sina Joshua Gabriel Ang, Alexander Georg Eichler, Gian Santos, at Mishka Sy.

Panauhin din si coach Vince Garcia, Managing Director ng FINIS Philippines, para talakayin ang nakatakdanang Mindanao leg ng FINIS Short Course Swim Championship sa Digos City, gayundin ang paghahanda para sa National Finals ng torneo na itinakda sa susunod na buwan sa Clark City pool.

Inimbitahan din ni TOPS president Maribeth Repizo-Santos ang bagong talagang commissioner ng Philippine Sports Commission (PSC) na si bowling legend Olivia ‘Bong’ Coo.