SWIMMING, TRIATHLON, BOXING TAMPOK SA TOPS ‘USAPANG SPORTS’

MAINIT na talakayan para sa kaganapan at progreso sa estado ng age-group swimming at triathlon, gayundin ng chess at professional boxing ang matutunghayan sa pagbisita ng tatlong sports enthusiasts/executives sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes, Marso 17, alas-10 ng umaga via Zoom.

Ilalahad ni coach Vince Garcia, FINIS Philippines Managing Director, ang paghahanda para sa ilulunsad na 2022 FINIS Short Course Swim Competition – tatlong serye ng labanan para sa pinakamahuhusay na age-group swimmers sa bansa – na magsisimula para sa Luzon leg sa Marso 26-27 sa New Clark City Aquatic Center sa Tarlac City. Kasabay nito ang paglarga ng Kids of Steel Triathlon sa naturan ding venue.

Bago ang nasabing kompetisyon, itataguyod din ng FINIS ang Southern Tagalog Cup na inorganisa ng Swim League Philippines (SLP), sa pamumuno ni Joan Mojdeh, sa Sabado, Marso 19, sa Quezon National High School Swimming Pool sa Lucena, Quezon.

Makakasama ni Garcia sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR, sina Billy Joe Ereno ng Philippine Chess League (PCL) at international boxing promoter Brico Santig.

Tatalakayin ni Ereno ang paghahanda ng Chessmis TV Chess Team at Cosbusters Philippines Corp. para sa Championship match ng pinakabagong amateur chess team league sa bansa.

Kapwa niya pinangangasiwaan ang dalawang chess squad. Inaasahang makikiisa rin sa talakayan sina Jezreel lopez, playing team manager ng Cosbusters at Anatoly Pascua mula sa Chessmis.

Mga kaganapan at pinakabagong balita sa kampanya ng mga Pinoy boxer  sa abroad at local promotions ang bibigyang atensiyon ni Santig – isa sa pinaka-pinagkakatiwalaang boxing promoter/manager sa bansa.

Inaaanyayahan ni TOPS president Beth Santos-Merana ang lahat na makiisa sa programa na livestreaming sa TOPS official Facebook page at YouTube. EDWIN ROLLON