SWINE FLU DEATH ‘DI NAKAAPEKTO SA SUPPLY AT PRESYO NG KARNENG BABOY

baboy

WALANG gaanong naging epekto sa suplay at pres­yo ng karneng baboy sa kabila ng pagkakatala ng mga unang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), nananatiling nasa P120 hanggang P125 kada kilo pa rin ang farmgate price ng malalaking hog raiser habang P113 hanggang P118 ang farmgate price ng mga backyard piggery.

Hindi rin malaking producer ng baboy ang Rizal, kung saan naitala ang mga kaso ng ASF, ayon kay Sinag President Rosendo So.

“‘Yung demand ay mayroon pa rin, walang problema,” ani So.

Nananatili naman sa P220 hanggang P240 ang kada kilo ng karneng baboy sa ilang palengke gaya ng Kamuning Market sa Quezon City.

Ang makaaapekto sa mga magbababoy ay ang pagbabawal ng ibang lalawigan sa pagpasok ng mga baboy, ayon kay Chester Tan, chairman at president ng National Federation of Hog Farmers Inc.

Ang Negros Occidental, halimbawa, ay maglalabas ng resolusyong nagbabawal sa pagpasok ng karneng baboy mula Luzon sa loob ng 100 araw.

Samantala, ipinagbawal na ng Bureau of Customs ang paglabas ng mga tirang pagkain mula sa mga erop­lano at barko.

Pababantayan din ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga restawran, palengke, at hotel para matiyak na diretso sa landfill at hindi sa mga babuyan ang tirang pagkain.

Ang kaning baboy ang nakikita ng Department of Agriculture (DA) at BAI na posibleng sanhi ng ASF sa bansa.

Sa kabila nito, may mga magbababoy na pinipili pa ring magpakain ng kaning baboy dahil mas mura umano kaysa sa feeds.

“Kaning baboy talaga… pagdating sa amin, niluluto naman namin dito,” anang magbababoy na si Romarico Lalusin.

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ng DA na P82 milyong pondo bilang panlaban sa ASF.

“Palalakasin natin ‘yong quarantine services natin sa seaports at airports,” ani BAI Director Ronnie Domingo.

“I-empower din natin ‘yong regional laboratories natin para ‘yong mga magpapa-testing ng mga sample nila, hindi na pupunta ng Maynila,” dagdag ni Domingo.

Nanawagan din ang BAI sa publiko na agad ipaa­lam sa kanila kapag namatayan ng baboy, at nakitaan ng sintomas ng ASF.

Ibinunyag noong Lunes ni Agriculture Secretary William Dar na nagpositibo sa ASF ang blood samples ng ilang namatay na baboy mula Rizal at Bulacan.

Comments are closed.