SWINE INVENTORY BUMABA SA PAGSISIMULA NG 2021

SWINE INVENTORY

BUMABA ng tatlong milyon ang  total swine inventory sa pagsisimula ng 2021, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa preliminary data na ipinalabas ng PSA ay lumitaw na ang total swine inventory ay tinatayang nasa 9.72 million heads hanggang noong Enero 1, 2021 laban sa 12.80 million na naitala noong 2020.

Sa naturang bilang, nasa 71.1% ang pinalaki sa backyard farms habang ang nalalabing 28.9% ay mula sa commercial farms.

Ang top three sources ng inventory ay ang  Regions VI (Western Visayas) na may 12.5% o 1.211 million heads; VII (Central Visayas) 12.1% o 1.176 million heads; at IVA (Calabarzon) na may 11.0% o 1.064 million heads.

Nauna nang sinisi ng Department of Agriculture (DA) ang mga bagyo sa  last quarter ng 2020 at ang ASF out-break sa pagbaba ng supply at sa pagsipa ng presyo ng agricultural goods tulad ng baboy at manok kung saan pumalo sa P400 ang presyo ng una noong nakaraang buwan.

Sa pinakahuling datos mula sa price monitoring ng DA ay lumilitaw na ang  umiiral na presyo ng kasim ay nasa P270 kada kilo at liempo sa P300 kada kilo hanggang nitong Pebrero 9 matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng dalawang buwang price cap sa manok at baboy simula Pebrero 8.

Comments are closed.