BIBIGYANG-PUGAY ang dalawang sports federations na responsable sa tagumpay ng bansa sa Tokyo Olympics sa March 14 San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night.
Ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) at Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) ay kapwa gagawaran ng National Sports Association (NSA) of the Year Award makaraang gumanap ng krusyal na papel sa pagtiyak sa pinakamatagumpay na kampanya ng Pilipinas sa Olympics.
Ipinagkaloob ni weightlifter Hidilyn Diaz ang makasaysayan at kauna-unahang Olympic gold medal para sa bansa, habang sina boxers Carlo Paalam, Nesthy Petecio, at Eumir Marcial ang nagbigay ng tatlong iba pang medalya para tampukan ang pinakaproduktibong paglahok ng Filipino delegation sa Olympics.
Inaasahang tatanggapin nina SWP president Monico Puentevella at ABAP prexy Ricky Vargas ang award sa ngalan ng kani-kanilang asosasyon sa special event na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at Cignal TV.
Magmula noon ay pinalitan si Vargas ni dating executive director Ed Picson bilang head ng governing body ng bansa sa boxing.
Ito ang unang pagkakataon na pararangalan ang weightlifting association ng pinakamatandang media organization sa bansa, habang ang ABAP ay tatanggap ng kaparehong award sa ikatlong sunod na taon.
Tulad ng inaasahan, ang 31-anyos na si Diaz ang napiling 2021 Athlete of the Year ng pinakamatandang media organization sa bansa sa gala night sa Diamond Hotel at suportado ng MILO (official choco milk), 1Pacman, Philippine Basketball Association (PBA), Philracom, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, MVP Sports Foundation, at Smart.
Samantala, sina Paalam at Petecio ay nagbigay ng pares ng silver, habang si Marcial ay bronze upang samahan si Diaz sa Olympic podium.
Dahil sa kanilang tagumpay, ang tatlong boxers ay gagawaran ng Major Award sq traditional awards night.
Ang tatlong medalya na napanalunan ng ABAP ang pinakamarami rin ng federation sa mahabang kasaysayan ng paglahok nito sa quadrennial showpiece.