ANG pagtaas ng kumpiyansa ng mga Pilipino sa pamamahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi lamang isang simpleng datos mula sa mga survey, kundi isang mahalagang indikasyon ng pagbabago sa pananaw ng mamamayan sa kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa pinakahuling survey mula sa Social Weather Stations (SWS), lumitaw na tumaas ng tatlong puntos ang satisfaction rating ng Pangulo mula sa +44 noong Setyembre 2023 patungong +47 noong Disyembre 2023. Bagama’t nananatili ito sa kategoryang ‘good’ na net satisfaction rating, hindi maitatanggi ang positibong pag-angat nito.
Nakakatuwang malaman na ang pinakamataas na satisfaction rating ni PBBM ay humakot sa Balance Luzon na umabot sa +52, na kategoryang ‘very good’, at sinundan ng Visayas na mayroong +51, na gayundin ay ‘very good’. Samantala, ang Metro Manila ay nakapagtala rin ng pag-angat sa net satisfaction rating, na tumaas ng walong puntos mula noong Setyembre 2023. Sa kabilang dako, ang Mindanao ay nagpakita ng pinakamababang satisfaction rating na umabot sa +38, na kategoryang ‘good’.
Napansin din sa survey ang malakas na suporta mula sa mga lalawigan, kung saan tumaas ang net satisfaction nito sa rural areas ng +56, isang kategoryang ‘very good’, na 12 puntos mas mataas kumpara noong Setyembre. Sa aspeto naman ng edad, nakakatuwa na malaman na ang net satisfaction rating ng Pangulo ay ‘very good’ sa mga edad 18-24, na sinundan ng 25-34.
Sa gitna ng mga pagsubok at hamon, ang patuloy na pagtitiwala at suporta ng mga Pilipino kay Pangulong Marcos ay hindi lamang nagpapahayag ng kanilang pangarap para sa mas maunlad na kinabukasan, kundi pati na rin ang kanilang pagtitiwala sa kakayahan ng liderato na ito na itaguyod ang kanilang mga adhikain.
Samantala, sa gitna ng kontrobersiya at mga katanungan ukol sa mga biyahe ng Pangulo sa ibang bansa, ang mga salita at suporta mula sa mga mambabatas ay nagbibigay ng kongkretong pang-unawa sa likas na kahalagahan nito. Isa sa mga mahalagang punto na binigyang-diin ni Deputy Majority Leader Janette Garin ay ang pagkilos sa kasalukuyang konteksto ng Pilipinas bilang isang maliit na bansa.
Sa isang pandaigdigang entablado kung saan ang relasyon sa ibang bansa ay bumubuo ng pundasyon ng pang-ekonomiya at pang-pulitika, ang pagkakaroon ng maayos at maunlad na ugnayan ay hindi lamang opsyonal kundi kailangan.
Tinukoy rin ng mga mambabatas ang kahalagahan ng pagtutulungan sa gitna ng mga lider upang mapanatili ang kalakasan at dignidad ng bansa.
Sa panig naman ni Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes, ang mga biyahe ay hindi pamamasyal kundi isang pagpapakita ng handang pakikisama at pagsusulong ng mga oportunidad sa ibang bansa.
Bilang “chief salesman” ng bansa, mahalaga ang papel ni Pangulong Marcos sa pagtataguyod ng positibong imahe ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad.
Binanggit naman ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang kanyang pananaw na aniya’y ang bawat Pangulo ay may kani-kaniyang diskarte sa pagtataguyod ng ugnayan sa iba’t ibang mga lider sa buong mundo, na siyang naglalayon na magtagumpay sa pagkamit ng mga pangunahing layunin ng bansa.
Katunayan, ang mga biyahe sa ibang bansa ng mga pangulo ay hindi bagong konsepto. Maraming dating pangulo tulad nina Fidel V. Ramos, Gloria Macapagal Arroyo, at Noynoy Aquino na nagkaroon din ng foreign trips.
Nataon nga lang na ang ilang mga biyahe noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay mayroong mga limitasyon.