OOOOOPS…bago kayo mag-isip ng masama, nais kong talakayin ang isang proyekto ng gobyerno na malamang ay hindi alam ng nakararami subalit mahalaga upang maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila. Ito ay ang Taguig Integrated Terminal Exchange o T.I.T.E. Opo, ito ang kanilang naisip na pangalan sa nasabing proyekto. Opo. Parehas ang nasa isipan natin kung bakit ito pa ang naisip nilang bansag sa nasabing proyekto. Ngunit maaari rin daw tawagin ito na Taguig ITX o South Integrated Transport System o S.I.T.S. Ang lokasyon ng nasabing terminal ay ang dating FTI sa Taguig.
Itong nasabing terminal ay bahagi ng ilang planong integrated bus terminals na nakaposisyon sa hilaga, kanluran, silangan at timog. Ito ay upang mabawasan ang provincial buses na pumapasok sa loob ng Metro Manila na nakadaragdag sa bilang ng mga sasakyan kaya bumibigat ang daloy ng trapiko natin.
Bukod sa T.I.T.E., nagsimula na rin ang Southwest Integrated Transport System (SWITS) sa may bandang Cavite. Magkakaroon ng organisadong pagdugtog ng provincial buses sa mga taksi at iba pang pampublikong transportasyon papaloob sa Metro Manila. Magkakaroon din ito ng koneksiyon sa LRT 1.
Ang isa pang proyekto ng gobyerno na hindi pa nasisimulan ay ang integrated bus terminal sa norte o hilaga. Pinag-iisipan pa ng gobyerno kung nararapat bang gamitin ang lupa ng Veterans Memorial Hospital na malapit sa Trinoma at SM North para sa nasabing terminal. May panukala rin na may bakanteng lupa sa Valenzuela City o sa may Balintawak kung saan doon ipatatayo ang terminal.
Bukod sa mga plano at proyekto ng gobyerno para sa mga integrated bus terminals, ang pribadong sektor ay gumagawa rin ng mga hakbang upang makatulong dito. Sa bandang Marikina, nagtayo si Bayani Fernando ng sarili niyang bus terminal sa ilalim ng SM Marikina upang magsilbi sa mga pasahero na nanggagaling sa lalawigan ng Rizal.
May umuugong din na balita na ang mayor ng Sta. Rosa, Laguna ay may plano rin na magtayo ng bus terminal upang doon titigil ang provincial buses mula sa katimugan. Malawak ang nasabing lugar at hawig sa ibang bansa na parang maaliwalas ang kapaligiran.
Kung kailan makukumpleto ang lahat ng mga nasabing terminal ay malalaman na lang natin. Pero ang talagang wala pang kongkretong plano ay ‘yung nasa hilaga. Sana naman ay makapagdesisyon na ang pamahalaan kung saan ito itatayo.
Tulad din ng terminal sa Taguig o T.I.T.E na kasalukuyang ginagawa pa lang. May isang atat na komyuter na nagtanong kung kailan daw tatayo ang T.I.T.E. Mahirap yatang sagutin ‘yan.
Comments are closed.