T-WOLVES BUHAY PA

NAGBUHOS si Anthony Edwards ng game-high 29 points, naibalik ni Karl-Anthony Towns ang kanyang porma mula sa  3-point arc at nanatiling buhay ang Minnesota Timberwolves sa NBA Western Conference finals matapos ang 105-100 panalo laban sa host Dallas Mavericks sa Game 4 noong Martes ng gabi.

Sa kanilang unang panalo sa best-of-seven series, nakuha ng Timberwolves ang karapatan na idaos ang Game 5 sa home sa Huwebes ng gabi, umaasa na maging unang koponan sa kasaysayan ng NBA na umabante makaraang maghabol sa 3-0.

Nagposte si Luka Doncic ng 28-point, 15-rebound, 10-assist triple-double para sa fifth-seeded Mavericks, na nanalo sa unang dalawang laro sa serye sa naunang pagbiyahe sa Minnesota.

Makaraang lumamang ang Minnesota ng hanggang 12 sa kaagahan ng laro, ang dalawang koponan ay nagpalitan ng puntos sa unang 18-plus minutes ng second half, kung saan isinalpak ni Towns ang isang 3-pointer, may 5:41 ang nalalabi, upang bigyan ang Timberwolves ng 92-90 bentahe.

Hindi na muling nalamangan ang mga bisita, salamat kay Towns, na ang 3-pointer sa sumunod na possession ng Minnesota ay nagbigay sa kanila ng five-point lead.

Ang series-high point total ni Edwards ay bahagi ng  near-triple-double. Kumalawit din siya ng team-high 10 rebounds at nagbigay ng 9 assists.

Napantayan ni Rudy Gobert ang 10 rebounds ni Edwards habang nakumpleto rin ang double-double na may 13 points para sa third-seeded Minnesota, habang tumipa si Mike Conley ng 14 points at gumawa si Jaden McDaniels ng 10.

Nalimitahan si Kyrie Irving sa 16 points sa 6-for-18 shooting mula sa field, habang nagposte si Jaden Hardy ng 13 points, nag-ambag si Daniel Gafford ng 12 na sinamahan ng 8 rebounds at 3 blocks, at nagdagdag si P.J. Washington ng 10 points.