UMISKOR si Anthony Edwards ng 27 points at nakaiwas ang Minnesota Timberwolves sa pagkakasibak nang pataubin ang Denver Nuggets, 115-70, sa Game 6 ng kanilang Western Conference semifinals series noong Huwebes sa Minneapolis.
Ang serye ay dedesisyunan sa winner-take-all Game 7 sa Linggo sa Denver.
Nagdagdag si Jaden McDaniels ng 21 points sa 8-for-10 shooting para sa Minnesota, na pinutol ang three-game skid. Nagtala sina Karl-Anthony Towns (10 points, 13 rebounds) at Naz Reid (10 points, 11 rebounds) ng double-doubles, at kumalawit si Rudy Gobert ng 14 boards na sinamahan ng 8 points.
Nagbuhos si Nikola Jokic ng 22 points at humugot ng 9 rebounds upang pangunahan ang Denver. Tumapos si Aaron Gordon na may 12 points at 8 rebounds, at gumawa si Jamal Murray ng 10 points subalit kumonekta lamang ng 4 of 18 attempts mula sa field.
Bumuslo ang Timberwolves ng 46.5 percent (40 of 86) overall at 37.5 percent (15 of 40) mula sa arc. Tumapos ang Nuggets sa 30.2 percent (26 of 86) mula sa field at 19.4 percent (7 of 36) mula sa 3-point range.
Kinontrol ng Minnesota ang first quarter at hindi na lumingon pa.
Abante ang Timberwolves sa 31-14 matapos ang opening period. Angat ang Nuggets sa 9-2 bago tinapos ng Minnesota ang session sa 29-5 run.
Ang hosts ay lamang sa 11-9 nang mag-dunk si Towns mula sa assist ni Mike Conley, na nagtala ng 13 points at 5 assists sa kanyang pagbabalik mula sa pagliban sa Game 5 dahil sa sore right Achilles tendon. Nagsalpak si Edwards ng pares ng 3-pointers sa naturang run, at tinapos ni Towns ang first-quarter sa pag-iskor ng layup mula sa assist ni Nickeil Alexander-Walker.
Sa halftime ay abante ang Timberwolves sa 59-40. Gumawa si McDaniels ng put-back shot sa buzzer upang tapusin ang lopsided first half.