T-WOLVES KINALAWIT NG HAWKS

KINAMADA ni Timothe Luwawu-Cabarrot ang pito sa franchise-record 25 3-pointers ng Atlanta at kumana ng season-high 23 points upang tulungan ang Hawks sa 121-110 panalo kontra Minnesota Timberwolves Linggo ng gabi sa Minneapolis.

Ang Atlanta, na pinutol ang two-game losing streak, ay 25-for-49 sa 3-point shots, at nahigitan ang  season-high 18 treys na nagawa noong Nov. 9 kontra Utah at ang franchise record na 23 na naitala noong nakaraang season. Walong Hawks ang umiskor ng 3-pointer.

Nakakuha rin ang Hawks ng 29 points at 11 assists mula kay Trae Young at 20 points kay reserve Danilo Gallinari, na kapwa tumirada ng apat na 3-pointers. Nakalikom si Clint Capela ng 16 rebounds at 4 blocked shots.

Nanguna para sa Timberwolves si Karl-Anthony Towns, na bumalik mula sa isang larong pagliban dahil sa bruised tailbone, na may 31 points at 16 rebounds. Umiskor si Malik Beasley ng 24 points mula sa bench at nagpasabog ng anim na 3-pointers.

WARRIORS 126, MAGIC 95

Nagtuwang sina Stephen Curry at Andrew Wiggins para sa 15 3-pointers at 59 points, upang pangunahan ang panalo ng Golden State kontra Orlando sa San Francisco.

Bumawi mula sa 112-107 pagkatalo sa San Antonio Spurs noong Sabado, ang Warriors ay nanalo sa ika-12 pagkakataon sa kanilang huling 13 home games sa likod ng 20-for-40 3-point shooting.

Nagpakawala si Curry, ang league leader sa 3-pointers, ng pitong tres tungo sa game-high 31 points. Nagtala si Wiggins ng 8-for-10 sa 28-point night. Pinangunahan ni Gary Harris ang limang players na may double figures para sa Magic sa natipong 17 points.

76ERS 127, HORNETS 124 (OT)

Naiposte ni Joel Embiid ang anim sa kanyang 43 points sa overtime nang maungusan ng bisitang Philadelphia ang short-handed Charlotte.

Kumalawit din si Embiid ng 15 rebounds. Nagdagdag si Tobias Harris ng 21 points at tumapos si Shake Milton na may 16 points para sa 76ers.

Nagbuhos si  Kelly Oubre Jr. ng 35 points sa 13 of 24 shots mula sa  field, kabilang ang anim na 3-pointers, para sa Hornets.

Naglaro ang Charlotte na wala sina LaMelo Ball, Terry Rozier, Mason Plumlee, Jalen McDaniels at  Ish Smith dahil sa COVID-19 protocols.

Sa iba pang laro: Clippers 102, Trail Blazers 90; Pacers 116, Wizards 110; Bucks 112, Cavaliers 104; Thunder 114, Pistons 103;  Grizzlies 105, Heat 90; Bulls 109, Nuggets 97; Suns 108, Spurs 104.