NAGBUHOS si Naz Reid ng 31 points at 11 rebounds, nagdagdag si Anthony Edwards ng 26 points at 8 assists at balik ang bisitang Minnesota Timberwolves sa tie para sa first place sa Western Conference sa 127-117 panalo laban sa kulang sa taong Los Angeles Lakers noong Linggo ng gabi.
Tumapos si Rudy Gobert na may 18 points at 16 rebounds at nag-ambag si Nickeil Alexander-Walker ng 15 points para sa Timberwolves (54-24) na nagwagi makaraang umiskor ng season-low 87 points sa road loss sa Phoenix Suns noong Biyernes.
Ang Minnesota ay nangibabaw sa ika-7 pagkakataon sa siyam na laro at 11-5 magmula nang hindi maglaro si Karl-Anthony Towns dahil sa knee injury noong Marso.
Ang Timberwolves, na minsan lamang nakuha ang No. 1 seed sa franchise history, ay tabla sa top spot sa West sa defending champion Nuggets at tangan ang tiebreaker sa pagitan ng dalawang koponan. Makakaharap ng Minnesota ang Denver sa Miyerkoles.
Umiskor si Rui Hachimura ng 30 points at nakakolekta si Jaxson Hayes ng 19 points at 10 rebounds para sa Lakers, na pumasok sa laro na may siyam na panalo sa kanilang huling 10 games sa gitna ng late-season surge na nagbigay sa kanila ng puwesto sa play-in tournament.
Naglaro ang Los Angeles (45-34) na wala si LeBron James dahil sa flu-like symptoms at hindi na bumalik si Anthony Davis matapos ang first quarter makaraang tamaan ni Kyle Anderson malapit sa kaliwang mata matapos umiskor sa isang dunk.
Sixers 133,
Spurs 126
Nagpasabog si Tyrese Maxey ng career-high 52 points at nagsalpak sina Ricky Council IV at KJ Martin ng malalaking baskets sa ikalawang overtime nang pataubin ng bisitang Philadelphia 76ers ang San Antonio Spurs.
Isang three-point play ni Council ang nagtabla sa iskor sa 126-126, may 3:04 ang nalalabi sa ikalawang OT at dalawang free throws ni Council, may 1:56 sa orasan, ang nagbigay sa 76ers ng two-point lead. Pagkatapos ay isinalpak ni Nicolas Batum ang isang 3-pointer at sinundan ito ni Martin ng isang dunk sa break, may 1:09 ang nalalabi, upang palobohin ang kalamangan ng Philadelphia sa pito.
Nagdagdag si Kelly Oubre Jr. ng 26 points para sa 76ers, na nanalo ng limang sunod. Tumipa sina Paul Reed at Council ng tig- 11 at gumawa si Buddy Hield ng 10. Kumalawit din si Reed ng team-high 10 rebounds. Ang Philadelphia ay naglaro na wala sina Joel Embiid (knee surgery recovery) at Tobias Harris (knee contusion).
Pacers 117,
Heat 115
Nakataya ang sixth place sa Eastern Conference, nagposte si backup point guard T.J. McConnell ng 22 points at 5 assists upang pangunahan ang host Indiana sa panalo kontra Miami.
Nagdagdag si Myles Turner ng 22 points at 13 rebounds para sa Pacers, na naging mainit ang simula at napigilan ang late rally ng Heat. Sa panalo ay nahila ng Indiana ang kanilang kalamangan sa Miami sa 1 1/2 games. Ang top six teams sa bawat conference ay garantisado na sa playoff berths. Ang 7th hanggang 10th teams ang maghaharap sa play-in round.
Ang Miami ay pinangunahan ni Jimmy Butler, na may game-high 27 points, 8 assists at 7 rebounds. Nagdagdag si Bam Adebayo ng 20 points at 12 rebounds.
Celtics 124,
Blazers 107
Humataw si Jaylen Brown ng team-high 26 points at nahila ng Boston stretched ang kanilang home winning streak sa 13 games makaraang gapiin ang Portland.
Nagtala si Payton Pritchard ng Celtics ng 9 of 13 field goals at tumapos na may 20 points at 8 assists. Nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 12 points, 10 rebounds, 5 blocked shots at 3 steals para sa Boston, na naglaro na wala si leading scorer Jayson Tatum (knee contusion).
Umiskor si Blazers’ Dalano Banton ng game-high 28 points mula sa bench at nagdagdag ng 9 assists.
Warriors 118,
Jazz 110
Naitala ni Klay Thompson ang 25 sa kanyang game-high 32 points sa first half, nagposte si Jonathan Kuminga ng double-double at dinispatsa ng Golden State ang Utah sa San Francisco.
Isinalpak ang 11 shots mula sa field, si Kuminga ay tumapos na may 21 points at game-high 10 rebounds. Nag-ambag sina rookies Brandin Podziemski at Trayce Jackson-Davis ng tig-16 points para sa Warriors, na naglaro na wala si star Stephen Curry (rest).
Nagbuhos si Johnny Juzang ng career-best 27 points para sa Jazz, na natalo ng 12 sunod. Nag-ambag si Keyonte George ng 25 points, habang kumabig si Collin Sexton ng 15 na sinamahan ng team-high seven assists.