NAGBUHOS si Karl-Anthony Towns ng 23 points at 11 rebounds at nalusutan ng bisitang Minnesota Timberwolves ang 20-point, third-quarter deficit upang pataubin ang Denver Nuggets, 98-90, sa Game 7 ng Western Conference semifinals noong Linggo ng gabi.
Umabante ang Minnesota sa Western Conference finals sa unang pagkakataon sa loob ng 20 taon makaraang magwagi sa Denver sa ikatlong pagkakataon sa series. Nanalo amg Timberwolves sa Game 7 laban sa Sacramento Kings noong 2004 upang umusad sa conference finals.
Magiging host ang Minnesota, ang No. 3 seed, sa No. 5 Dallas sa Game 1 sa Miyerkoles ng gabi.
Umiskor si Jaden McDaniels ng 22 points at nagtala si Anthony Edwards ng 6-for-24 shooting subalit tumapos na may 18 points, 8 rebounds at 7 assists upang tuldukan ang kampanya ng Nuggets para sa ikalawang sunod na NBA title. Malaki ang naimbag ni Rudy Gobert sa krusyal na sandali, naitala ang walo sa kanyang 13 points sa fourth quarter.
Nakalikom si Nikola Jokic ng 34 points at 19 rebounds at gumawa si Jamal Murray ng 35 points para sa Denver. Ito ang ikalawang pagkakataon sa anim na seasons na natalo ang Nuggets sa Game 7 sa home.
Pacers 130, Knicks 109
Kumabig si Tyrese Haliburton ng 26 points para sa bisitang Pacers, na sumakay sa historic shooting performance sa panalo laban sa Knicks sa decisive Game 7 ng kanilang Eastern Conference semifinal series.
Bumuslo ang Indiana ng 67.1 percent (53-of-79) mula sa field — ang pinakamataas na shooting percentage sa isang NBA playoff game. Binura nila ang naunang record na hawak ng 1990 Boston Celtics, na bumuslo ng 67 percent (63-of-94) sa 157-128 win kontra Knicks sa isang first-round game.
“We played a great game tonight,” wika ni Pacers head coach Rick Carlisle. “I just told our team: When you win a Game 7 in Madison Square Garden, you’ve made history. It’s very, very difficult to do.”
Si Haliburton ay 10-of-17 mula sa field makaraang magtala lamang ng 34 total shots sa Games 1, 2 at 5, na pawang nilaro sa New York.
“I knew today was Game 7,” ani Haliburton. “I would hate to be (angry) all summer about not shooting the ball today. For me, it was just about coming out, playing the right way.”
Makakaharap ng sixth-seeded Pacers, na nalusutan ang series deficits na 2-0 at 3-2, ang top-seeded Boston Celtics sa best-of-seven Eastern Conference finals, na magsisimula sa Martes ng gabi sa Boston.
“I don’t think anybody here picked the Pacers to win the series,” sabi ni Haliburton.
“They didn’t,” ani Myles Turner.
“But it happened,” wika ni Haliburton.
Ito ang unang biyahe sa conference finals ng Indiana magmula noong 2014.