KUMAMADA si Anthony Edwards ng 33 points sa loob ng wala pang tatlong lquarters at pinalakas ng Minnesota Timberwolves ang kampanya na umusad sa play-in tournament nang tambakan ang San Antonio Spurs, 151-131, nitong Sabado sa Austin, Texas.
Kinuha ng Minnesota ang ninth-place sa Western Conference standings papasok sa showdown sa New Orleans sa Linggo sa regular-season finale ng mga koponan sa Minneapolis. Ang Minnesota at New Orleans ay nag-aagawan sa puwesto sa West.
Abante ang Timberwolves ng 12 points matapos ang second-quarter offensive explosion at hindi na lumingon pa tungo sa panalo makaraang palobohin ang kanilang kalamangan sa 126-93 sa unang isa’t kalahating minuto ng fourth quarter.
Umiskor si Karl-Anthony Towns ng 22 points, tumipa si Mike Conley ng 20 at nagdagdag si Rudy Gobert ng 10 points at kumalawit ng 13 rebounds para sa Timberwolves, na nagtala ng season high para sa points sa isang game.
Nanguna si Julian Champagnie para sa San Antonio na may 24 points habang nagdagdag si Keita Bates-Diop ng 22, naitala ni Tre Jones ang kanyang ikalawang career triple-double (21 points, 12 assists at 10 rebounds) at kumabig si Malaki Branham ng 17 points.
Jazz 118, Nuggets 114
Nagbuhos si rookie Ochai Agbaji ng career-high 28 points at tinapos ng Utah ang kanilang home slate sa panalo kontra Denver sa Salt Lake City.
Nabitiwan ng Jazz ang 19-point advantage at sa huli ay nabawi ang kalamangan sa 110-109, may 2:42 ang nalalabi. Sinundan ito ng dalawang buckets ni Agbaji, pagkatapos ay kinuha ang panalo sa dalawang free throws, may 11 segundo ang nalalabi, at nagwagi ang Utah sa ikalawang pagkakataon sa 10 laro.
Tumapos si Kris Dunn na may 19 points, 14 assists at 8 rebounds para sa Jazz.
Umiskor si Kentavious Caldwell-Pope ng 21 points at tumabo si Jamal Murray ng 20 sa pagkatalo ng Denver, na kinuha na ang No. 1 playoff seed sa Western Conference.
Clippers 136, Trail Blazers 125
Nakakolekta si Kawhi Leonard ng 27 points, 8 rebounds at 4 assists upang tulungan ang Los Angeles na humabol sa second half at iposte ang home win kontra Portland.
Nagdagdag si Russell Westbrook ng 20 points, 6 rebounds at 6 assists para sa Clippers, na umangat sa fifth place sa Western Conference sa kabila ng pagkakaroon ng record na pareho sa Golden State Warriors.
Isinuko ng Los Angeles ang 70 first-half points sa isang makeshift lineup para sa Portland, na nagsimula na may bagitong lineup sa patuloy na pagkawala nina Damian Lillard at Anfernee Simons.
Nanguna si Kevin Knox para sa Trail Blazers na may game-high totals sa points (30) at rebounds (11). Umiskor si Shaedon Sharpe ng 26 points at nagdagdag si Trendon Watford ng 24 para sa Portland.