NAPILITAN na ang ilang residente sa isla ng Taal Volcano na ibenta sa murang halaga ang mga alaga nilang kabayo para lang mailikas at mailayo sa kamatayan ang mga hayop.
Umabot lamang sa P3,500 ang isang naibenta o halos kapresyo lang ng isang bagong sapatos.
“Ayoko nga sir eh, ngayong nakita ko parang ayoko na ibenta, eh. Pero at least, maaalagaan, hindi kakatayin, ani Neil Mendoza, nagbenta ng kabayo.
Sakay ng mga bangka, sinundo ang mga alagang hayop mula sa isla sa tulong ng animal rescue operation na inorganisa ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA).
Kabilang sa mga naisalba ang mga alagang aso, kambing, baboy, baka, kalabaw, at kabayo.
Ayon sa PETA, pinakamalaki ang populasyon ng kabayo dahil ‘yun ang ginagamit sa paghahatid sa mga turista na namamasyal sa bukana ng Bulkang Taal.
“Pagdating namin dun, mas maraming buhay kesa patay. ‘Yun ang nakapagtataka kasi ‘di ba may lumabas sa balita na patay na lahat, wala nang buhay diyan. We were expecting the worst, pero pagdating namin dun kahapon, sobrang dami pang buhay,” ani Janna Sevilla, PETA senior rescue coordinator.
Ayon sa PETA, karamihan sa mga alagang hayop na nailikas mula sa isla ay dadalhin sa farm sa Tagaytay at doon muna aalagaan.
BUWIS BUHAY
Samantala, ilang residente naman ng Balete, Batangas ang buwis-buhay sa pagbalik sa kanilang mga tahanan maisalba lang ang mga naiwang alaga.
Hindi biro para kay Robert Oroso ang buhatin at isakay sa bangka ang 2 sa 5 alaga niyang baka para itawid sa mas ligtas na lugar.
Napapailing na lang siya habang hinuhugasan ang nanigas na abo sa mga hayop at lumitaw ang mga lapnos sa balat.
“Kaya pilit naming isinasalba ang mga hayop gaya niyan, tatlo ang aking anak na nag-eeskuwela. Para makapatuloy ng pag-aaral. Sadya hong mahirap.”
May panawagan din siya sa pamahalaan.
“Hinihigpitan kami na tumawid. Eh kami naman ho ay naawa sa aming alagang hayop ano hong gagawin gusto naming maisalba,” ani Oroso
Comments are closed.