PINALILIKAS na sa Metro Manila ang mga residenteng apektado ng pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas.
Nanawagan si House Assistant Majority Floor Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Nina Taduran sa mga alkalde ng Metro Manila na payagang kupkupin muna at i-evacuate sa kanilang mga lungsod ang mga kababayan sa Batangas na nasa high-risk areas at lubhang apektado ng pag-aalboroto ng bulkan.
Nababahala si Taduran na kapag nangyari ang pinakamalalang pagsabog, ang mga fissures o malalaking bitak na may kasamang usok na nakita sa mga bayan na malapit sa Bulkang Taal ay posibleng umakyat doon ang magma na katulad sa nangyari nang pumutok ang Kilauea volcano sa Hawaii.
Hinimok ni Taduran ang mga alkalde sa Metro Manila katulad ng Marikina at Makati na buksan ang kanilang evacuation centers, pahiramin ng tents at bigyan ng survival kits ang mga kababayan sa Batangas na nangangailangan.
Mas ligtas aniya sa Metro Manila at matitiyak pa na may sapat na suplay ng malinis na tubig at koryente.
Kinalampag din ng lady solon ang pamahalaan na magpatupad na ng lockdown sa mga bayan na kinakitaan ng malalaking bitak katulad ng Lemery, Agoncillo, Talisay at sa San Nicolas. CONDE BATAC
Comments are closed.