INIHIRIT ng isang jeepney group na kailangan nang itaas ang pamasahe sa jeep sapagkat malaki na raw ang epekto ng taas-presyo ng krudo sa kanilang mga tsuper bunsod ng mga sunod-sunod na linggong dagdag-presyo sa langis.
Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Zenaida Maranan, hindi na kina-kailangan pa ang pagdinig at panibagong fare matrix sa hirit nilang taas-pasahe, sapagkat ang kasalukuyang pasahe ay probisyonal o pansamantala lamang.
Maaalala na ipinag-utos noong Nobyembre ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang ibalik sa P9 ang minimum na pasahe sa mga jeep matapos itaas sa P10 ang minimum fare.
Karaniwang nagkakaroon ng hearing ang LTFRB at mga transport group para mapag-usapan ang galaw sa presyo ng pasahe sa pagkakataong mag-petisyon ang isang tao o grupo na magkaroon ng pagtaas o pagbaba ng pamasahe.
Ani Maranan, maghahain na ng petition paper ang kaniyang hanay para ibalik sa P10 ang pasahe ng jeep.
Nauna nang sinabi ng LTFRB na kailangan munang tumuntong ulit sa higit P46 kada litro ang diesel bago nila tugunan ang hirit na itaas ulit ang minimum na pasahe.
Comments are closed.