TAAS PASAHE SA PUVS SA OCT. 3 PA

NAGPAALALA muli ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na epektibo ang fare increase sa mga Public Utility Vehicle (PUV) sa Ika-3 ng Oktubre 2022, 15 araw matapos ianunsiyo ng ahensiya ang pagtaas ng singil sa mga pampublikong sasaskyan noong nakaraang Biyernes, ika-16 ng Setyembre 2022.

Sa inilabas na desisyon ng LTFRB, inaatasan ang bawat PUV operator at driver na maglagay ng updated na Fare Matrix o Fare Guide sa kanilang mga sasakyan na makikita agad ng kanilang pasahero.

Bukod pa riyan, hindi maaaring magtaas ng pamasahe ang mga PUV driver at operator hanggat wala pang nai-issue sa kanila na fare matrix guide.

Nauna namang sinabi ng LTFRB na naiintindihan nila na kailangang taasan ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Sa kabila niyan, kailangan pa ring sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensiya ang mga PUV driver at operator, alinsunod sa mga kundisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at Joint Administrative Order 2014-01.

Kung may reklamo patungkol sa pagpapatupad ng fare increase sa mga pampublikong sasakyan, maaaring ipaabot sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342 o mag-send lang ng message sa LTFRB Official Facebook page o magtungo sa official website ng LTFRB. BENEDICT ABAYGAR, JR.