NAKATAKDANG isalang sa re-calibration ang metro ng may 29,000 taxi para sa ipatutupad na fare adjustment, ayon sa Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB).
Sa nakatakdang fare hike, ang taxi ay sisingil na ng P13.50 kada kilometro bukod pa sa P40 na flag down.
Kasabay nito ay aalisin ang P2 waiting time, pero ipapalit dito ang singil na P2 kada minuto ng byahe.
Nilinaw ni LTFRB board member Aileen Lizada, tanging ang mga taxi na mayroong hailing apps gaya ng MyCab ang maaaring sumailalim sa recalibration para maiwasan ang mga manloloko.
Nakatakdang i-recalibrate ang taxi meters sa susunod na buwan ng Hulyo na sasabay sa fare adjustments ng ride-hailing companies.
Una nang inaprubahan ang pagbabago sa singil sa taxi sa huling bahagi ng 2017.
Unang inihayag ng LTFRB kamakailan na plano nilang mag-release ngayong Hulyo ng bagong rates para sa ride-hailing firms, na may “kaunting taas” kaysa sa taxi.
Inaasahan ang ride-hailing companies na magsumite ng kanilang proposed rates sa susunod na linggo.
“We have to find that formula na hindi sila magko-compete with taxis sabi ni Lizada.
Magkakaroon ang ride-hailing firms ng opsiyon na makagawa ng kanilang fare structure na nasa loob ng itinakda ng LTFRB.