HUMILING ng moratorium sa Department of Trade and Industry (DTI) ang grupong Laban Konsyumer para pagbawalan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Iginiit ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba na huwag munang aprubahan ng DTI ang mga hiling na pagtaas ng presyo dahil sa bugbog pa ang mga konsyumer sa sunod-sunod na mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ito ay matapos ang mga paghirit ng mga manufacturer ng de-latang karne at sardinas sa dagdag presyo na ayon naman sa DTI ay kanila pang pag-aaralan.
Payo ni Dimagiba, “mula ngayon hanggang first quarter ng 2019, mag-declare ng moratorium sa pagpo-process ng pagtaas ng presyo ng SRP (suggested retail price).’’
Matatandaan sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Office (PSA) noong Hulyo lamang ay pumalo sa 5.7 porsiyento ang inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa loob ng bansa.
Tingin din ni Dimagiba ay balewala ang pagpataw ng mga extended SRP dahil sa may mga grocery pa ring lagpas ang presyo sa itinakda ng DTI.
“Useless ‘yong expanded SRP kung ang presyo naman sa supermarket, grocery, lalo na po ‘yong sardinas, ay mataas,” ayon pa kay Dimagiba.
Sinabi rin ni Dimagiba na mainam kung lalawakan ang magiging pagbabantay ng DTI sa mga presyo at ilathala sa mga tabloid ang listahan ng extended SRP sa mga produkto.
Sagot naman ni DTI Secretary Ramon Lopez, hindi nila pipigilan ang pagtaas ng presyo kung iilang brand lang ng produkto ang humihiling ng pagtaas ng presyo.
Paliwanag pa ni Lopez ay hanggang tatlong brands lang sa 30 brand ng mga produkto ang humihiling ng pagtaas kung kaya’t marami pang pagpipiliang produkto ang mga konsyumer.
Sa ginawang pag-iikot ni Lopez sa mga groceries at supermarkets, sinabi niyang pasok sa SRP ang mga presyo ng mga bilihin mula tinapay hanggang mga de-lata.
“Many of those are selling below SRP pa,” dagdag pa niya. LYKA NAVARROSA
Comments are closed.