KUMPIYANSA ang pamunuan ng Land Transportation and Franchising Board (LTFRB) na hindi dapat ipasa sa mga pasahero sakaling magkaroon ng taas pasahe sa mga pampublikong sasakyan sa harap ng nararanasang tuluy tuloy na pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LTFRB NCR director Atty. Zona Russet Tamayo, kailangang mabalanse ang sitwasyon.
Sinabi ni Tamayo na nakipag- ugnayan na rin sila sa NEDA at iprinisinta ang petisyon para sa fare hike ng mga jeepney drivers at operators upang mapag-aralan ang posibleng epekto nito sa pangkalahatan sakaling maaprubahan ang taas-pasahe.
Ayon kay Tamayo, mayroong domino effect ang pagtaas ng pasahe sa presyo ng iba’t ibang bilihin kaya kailangang mabalanseng mabuti ng board.
Kaugnay nito, sinabi ni Tamayo na may nakatakda nang pagdinig ang board sa hirit na P3 hanggang P5 taas pasahe sa mga public utility vehicle sa Marso 8.
Kinumpirma rin ni Tamayo na may pending petition din ang mga transport network vehicle service (TNVS) para sa hirit na adjustment sa flagdown rate at sa per kilometer travel.
Sinabi na naisumite na rin ito sa NEDA para mapag-aralan at mabuting hintayin na lamang ang ilalabas na reaolusyon kaugnay rito. BETH C