TAAS-PRESYO SA BIGAS IKINAALARMA NI SPEAKER MARTIN AT PANUKALANG CON-CON NI SEN. PADILLA

SA pagbabalik-sesyon ng Kongreso sa susunod na linggo, mahigpit na isusulong ni Speaker Martin Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa lumalaking agwat sa presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pahayag ng mga kinatawan ng mga retailer, producer, at grocery stores na hindi nila tinaasan ang presyo ng kanilang mga paninda.

Binigyang-diin ni Romualdez ang pangangailangan na agarang imbestigahan ang malaking pagkakaiba sa presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin.

Sa pulong, ibinahagi ni Jayson Cainglet ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi nagbago ang presyo ng manok, baboy, bigas, at sibuyas sa loob ng tatlong buwan, kaya hindi dapat magkaroon ng pagtaas sa presyo sa merkado.

Sabi nga ni Speaker Romualdez, sa pagtutulungan ng lahat, asahan ang pagkilos upang mahanap ang makatarungang solusyon sa problemang ito na nagdudulot ng pag-aalala sa ating mga magsasaka at mamimili.

Samantala, sa gitna ng patuloy na pag-uusap hinggil sa mga amyenda sa Konstitusyon, bukas si Senate Committee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Robin Padilla sa pagsulong ng Constitutional Convention (Con-Con) upang amyendahan ang ilang economic at political provisions nito.

Ayon kay Senador Padilla, layunin niyang makakuha ng suporta mula sa dalawang dating Finance secretary ng bansa upang tiyakin na hindi magiging lubhang magastos ang pagsasagawa ng Con-Con. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapadadali ang proseso ng pagbabago sa Konstitusyon.

Sa mga susunod na araw, balak ni Senador Padilla na maghain ng resolusyon upang simulan ang pagpaplano at paghahanda para sa Con-Con. Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng ganitong hakbang, maaaring masungkit ang mga mahalagang reporma sa ating Saligang Batas.

Matapos ang pagdinig ng kanyang komite sa Senate Resolution of Both Houses No. 5, na naglalayong amyendahan ang political provisions ng Konstitusyon, napansin ni Senador Padilla ang paglaki ng saklaw ng mga nais baguhin sa batas. Sa ganitong sitwasyon, mas praktikal na, aniya, na isabay na ang pagbabago sa economic at political provisions sa pamamagitan ng Con-Con.

Mariing ipinunto ng senador na hanggang hindi pa naipapasa ang Economic Cha-Cha, isasagawa pa rin nila ang pagtalakay sa Con-Con.

Ang Economic Cha-Cha ay inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa dayuhang mamumuhunan sa bansa, kung kaya ito ang kanilang pangunahing prayoridad.

Kaya naman, sa patuloy na pagtutok at kooperasyon ng lahat ng sektor, maaari nating marating lahat ang tunay na pag-unlad.