SA IKALAWANG sunod na linggo ay may dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tatapyasan nila ng presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.70, habang may dagdag sa presyo ng diesel ng P1.20 at kerosene ng P2.45.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang price adjustments ngayong alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex sa alas-12:01 ng umaga at Cleanfuel sa alas-8:01 ng umaga sa kaparehong araw.
Noong nakaraang Martes, Mayo 24, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P3.95, habang may bawas naman sa diesel ng P2.30 kada litro at kerosene ng P2.45 kada litro.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng kada litto ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P25.55, diesel ng P29.10, at kerosene ng P25.20.