NANGANGANIB na maputol sa susunod na linggo ang serye ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Batay sa report, tumaas ang presyo ng imported diesel at gasolina sa unang araw ng kalakalan sa pandaigdigang merkado bunsod ng plano ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) at bansang Russia na tapyasan ang suplay ng langis.
Sa unang araw ng trading, nasa P0.80 ang itinaas ng presyo ng kada litro ng gasolina, P0.32 sa kada litro ng diesel, at P0.17 sa kada litro ng kerosene.
Subalit may apat na araw pa ng trading kaya maaari pang magkaroon ng pagbabago.
Sa nakalipas na walong linggo, aabot sa mahigit P12 ang kabuuang ibinaba ng kada litro ng gasolina at lagpas P10 naman sa kada litro ng diesel.
Samantala, naniniwala naman ang Department of Energy (DOE) na bababa pa sa susunod na mga araw ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado kaya dapat lamang na isulong ang ikalawang bugso ng excise tax para sa oil products sa 2019.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, sa ngayon ay pababa pa rin ang trend ng petrolyo, partikular na ang Dubai crude at posibleng umabot ito ng hanggang $50 per barrel.
Aniya, kompleto ang kanilang datos na magpapatunay sa nasabing trend.
Paliwanag pa ng kalihim, kayang-kayang pasanin ng publiko ang epekto ng dagdag na excise tax sa petrolyo dahil sa mababang presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ng mga economic manager na kanilang irerekomenda sa gaganaping cabinet meeting ngayong araw na ituloy na ang ikalawang bugso ng dagdag na excise tax sa susunod na taon.
Ang malilikom na pondo rito ay gagamitin sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan sa ilalim ng ‘Build Build Build’ program.
Comments are closed.