TAAS-PRESYO SA TINAPAY

TINAPAY

BALAK ng isang grupo ng mga may-ari ng mga panaderya na maghain sa Department of Trade and Industry (DTI) ng petisyon na naglalayong taasan ang pres­yo ng tinapay.

Sinabi ni Lucito Chavez ng Philippine Federation of Bakers Association Inc. na posibleng sa Miyerkoles o Huwebes nila ihain ang petisyon sa DTI.

Pero sa ngayon ay hindi pa masabi ni Chavez kung magkano ang hirit na dagdag-presyo dahil may iba pang mga dapat isaalang-alang.

“Ako’y ilang araw nang nagko-costing pero hanggang sa ngayon, wala pa akong masabi kung magkano talaga ang presyo ng tinapay, kung hanggang saan, magkano dahil hindi namin malaman kung hanggang magkano naman ang pres­yo ng harina sa mga susunod na araw,” sabi ni Chavez.

Ayon kay Chavez, sali sa kanilang ihihirit na dagdag-presyo ang pagtaas ng presyo ng mga sangkap ng tinapay, at ang pagtaas ng singil sa koryente at tubig.

Una nang sinabi ng grupong Philippine Baking Industry Group (PhilBaking) na balak taasan ng mga panadero ang presyo ng sliced bread at pandesal dahil sa pagtaas ng presyo ng mga sangkap at gamit sa produksiyon.

Sa ilang supermarket, nagsimula nang magtaas ng presyo ng sliced bread at pandesal ng P0.50 hanggang P1.50 kada pakete, ayon sa PhilBaking.  Ngunit iginiit ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na hindi basta-basta puwedeng itaas ang presyo ng mga tinapay, kabilang ang sliced bread at pandesal.

Comments are closed.