ANG mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang pangangailangan ng dagdag na sahod ang mga pangunahing alalahanin ng mga Pinoy, ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey.
Sa “Ulat ng Bayan Survey” na isinagawa ng Pulse Asia mula Setyembre 1 hanggang 7, lumalabas na 63 porsiyento ng mga Pinoy ang naniniwalang dapat agarang solusyonan ng gobyerno ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Laging nangunguna ang inflation, o ang antas ng pagbilis ng presyo ng mga bilihin, sa listahan ng mga pangunahing alalahanin ng mga Filipino simula pa sa survey noong Hunyo 2017 ng Pulse Asia. Pero naging pinakamalaki ang antas ng pag-aalala rito mula sa 51 porsiyentong naitala noong Hunyo 2018, hanggang sa 63 porsiyento nitong Setyembre.
Nangingibabaw ang isyu ng mga presyo ng bilihin para sa mga Filipino sa anumang lugar, at anumang antas ng kanilang kabuhayan, ayon sa pinakabagong survey.
Tingin naman ng 50 porsiyentong Pinoy, ayon sa survey, ay dapat nang bigyan ng agarang solusyon ang pangangailangan para sa umento sa sahod ng mga manggagawa.
Ang iba pang alalahanin na binanggit ng mga Pinoy sa suvey na dapat ayusin ng pamahalaan ay ang pagbabawas sa kahirapan (32 porsiyento), pagbukas ng mas maraming trabaho (30 porsiyento), paglalaban kontra korupsiyon (26 porsiyento), at pagbabawas ng krimen (23 porsiyento).
Samantala, nasa 3 porsiyento lang ang nagsasabing dapat tugunan ang charter change.
Isinagawa ang nasabing survey sa panahon na inanunsiyo ng Philippine Statistics Authority na nagtamo ang Filipinas ng 6.4 porsiyentong inflation rate nitong Agosto, na pinakamataas sa loob ng siyam na taon.
Nasa 1,800 Pinoy ang sumalang sa nasabing survey.
Pinapili ang mga tinanong sa survey ng tatlong isyu na sa tingin nila ay dapat asikasuhin agad ng gobyerno.
Samantala, nagbabalangkas na raw ang gobyerno ng ilang patakaran sa mga susunod na buwan para maibsan ang iniindang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Comments are closed.