KASABAY ng pagdiriwang ng Environmental Awareness Month, isinusulong ng isang senior lawmaker ang panukalang taasan ang buwanang sahod at bigyan ng iba pang benepisyo ang mga forest ranger, na silang susi para mapangalagaan, protektahan at lalo pang mapagyaman ang mga kabundukan ng bansa.
Sa House Bill 2597, iginiit ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza, na naging kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na marapat na tumanggap ng mataas na sahod at iba pang benepisyo ang forest rangers dahil nalalagay rin ang mga ito sa peligrosong sitwasyon sa pagganap ng kanilang tungkulin.
“Our forest rangers have endured hard work and low pay. Many of them have even sacrificed lives in the line of duty. They deserve these long-overdue benefits. If Congress can earmark billions of pesos every year to renew our denuded forests, surely we can also provide our rangers highly improved compensation and welfares,” sabi pa ni Atienza.
Sa ilalim ng HB 2597 o ang Magna Carta for Forest Rangers, mula sa kasalukuyang Salary Grade 4 (P13,807 per month) ay gagawing Salary Grade 18 (P42,159 per month) ang base pay ng mga forest ranger.
Bukod dito, nais din ni Atienza na magkaroon ang tinaguriang ‘guardians of the nation’s forest and timber lands’ ng mga bagong benepisyo, kabilang ang subsistence allowance, na katumbas ng three meals per day habang sila ay nasa field kung saan ang travel time nila sa pagpunta sa kanilang assigment ay isasama sa kanilang ‘time in the field’.
Bibigyan din ang forest rangers ng overime pay na katumbas ng 10 percent at night differential pay na 10 percent; hazard pay, longevity pay na katumbas ng 5 percent ng kanilang monthly basic pay sa kada limang taon sa serbisyo; transportation allowance; at full compensation kapag dumanas ng work injuries.
Iminungkahi rin ni Atienza ang paglikha ng mga bagong posisyon sa DENR na naglalayong magkaroon ng isang forest ranger sa kada 500 ektarya ng lupaing nauuri bilang forest o timber land. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.