TAAS-SAHOD SA PRIVATE NURSES IGINIIT SA KAMARA

Nurses

ISA pang panukala ang inihain sa Kamara para taasan ang sahod ng mga private nurse sa bansa.

Sa House Bill 7784 o ang Salary Increase for Private Sector Medical Workers Act ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, ipinapapantay ang minimum na buwanang sahod  ng mga nurse at medical worker sa private health institutions sa suweldo ng kanilang counterpart na government nurses.

Layon ng panukala na mabigyan ng dahilan ang mga private nurse na manatili ang pagseserbisyo sa bansa ngayon pa na inalis na ng gobyerno ang overseas deployment ban sa mga nurse at iba pang private health workers.

Base sa datos mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa P10,000 lamang ang sahod ng entry-level nurse  sa private sector.

Naniniwala si Vargas na underpaid ang mga nurse at iba pang health care workers sa mga pribadong ospital kaya dapat na tugunan na agad ng gobyerno ang sanhi ng kanilang pagnanais na makaalis ng bansa at ito ay dahil sa mababang suweldo.

Ngayong taon ay tumaas na ang entry-level salary ng government nurses mula Salary Grade 11 o P22,000 sa SG-15 na nasa P32,000, dahil sa bagong Salary Standardization Law, o Republic Act (RA) 11466.                CONDE BATAC

Comments are closed.