TAAS-SINGIL SA KORYENTE SASALUBONG SA UNANG BUWAN NG 2021

Meralco

MAY pagtaas sa singil sa koryente ngayong buwan.

Inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) na matapos ang serye ng power rate reductions noong 2020 na umabot sa P1.39 per kilowatt-hour (kWh), ang singil sa koryente para sa isang typical household ay tataas ng P0.2744 per kWh sa P8.7497 per kWh ngayong Enero mula sa P8.4753 per kWh noong Disyembre 2020.

Katumbas ito ng P55 pagtaas sa total bill ng residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh, P82 sa mga komukunsumo ng 300 kwh, P110 naman ang madaragdag sa kumokonsumo ng 400 kwh at P137 para sa mga komukunsumo ng 500 kwh.

“Despite the increase, this month’s overall rate is still more than P0.70 per kWh lower than January 2020’s rate of P9.4523 per kWh,” ayon sa Meralco.

Ipinaliwanag ng power distributor na ang overall rate increase ay pangunahing dulot ng mas mataas na generation charge.

Ayon sa Meralco, para ngayong buwan, ang generation charge ay P4.4574 per kWh, mas mataas ng P0.3058 noong Disyembre na P4.1516 per kWh.

Gayunman, sinabi ng kompanya na ang generation charge ngayong buwan ay mas mababa pa rin sa rate noong nakaraang taon na P4.9039 per kWh.

Gayundin ay tumaas ang power supply agreements (PSA) at independent power producer (IPP) rates ng P0.2723 at P0.2428 per kWh, ayon sa pagkakasunod, kung saan bumaba ang Luzon peak demand noong Disyembre ng 252 MW, mula 9,886 MW sa 9,634 MW dahil sa mas malamig na temperatura at mas maraming non-working holidays kumpara noong Nobyembre.

“Similarly, the demand for power in Meralco’s franchise in December fell to its lowest level since lifting of the ECQ (enhanced community quarantine) in May,” sabi ng kompanya.

“Lower demand led to fixed costs from power suppliers being spread over lower energy volume, resulting in higher effective generation rates to consumers,” dagdag pa nito.

Comments are closed.